Kaya rin inaakyat ang struktura ng tarpaulin ng mga abang taong may matinding anxiedad. Nais nilang pumaloob sa mundong isinisiwalat ng tarp, at ng mismong literal na tarp—maging matayog, tinitingala, dinadambana, at tinatangi dahil sa tunay na buhay, hindi sila ito. Nais nilang maging bahagi ng spektakularisasyon sa spektakular na pag-akyat nila sa tarp. Talo nila si Spiderman in action, dahil sa tunay na buhay sila ay kasama sa minamasaker na talunan ng lipunan.
Nilililok ng mga struktura ng tarps ang bagong edifice ng syudad. Purong imahen, statikong karangyaan at konsumerismo, at ang irony nito, manipis lamang ang imahen na ito. Walang nasa likod ng imahen ng urbanidad at kosmopolitanismo. Parang sine, intense ang natutunghayan na nanggagaling di sa mismong harap ng manonood dahil wala namang nasa likod ng puting screen. Galing ang spektakularisasyon at panghihimok sa gitnang uring fantasya sa makinang projector sa likod ng manonood.
Sa tarps, ang fantasya ay harap-harapang itinatangi ng bawat ad. Parang jigsaw puzzle na magkakahiwalay ang pira-piraso gayong buo naman ang imahen ng konsumerismo at kapitalismo sa bawat ad. Hihihimok ang pagtangkilik, ang pagiging tao, at ang urbanisadong pagkatao. At walang nasa labas nito.
Kahit ang tunay na mundo, ang historikal na mundo, ay ang kabuuang nasa labas ng ad. Kung pwede lamang mag-morph ang mga tao sa ad, maging kaisa ng mundo ng tarp kaysa sa labas nito. At ito man ay isinasaad din ng syudad ng tarp, nasa loob tayo ng mundong likha ng estado, at ang ninanais naman ay makawala sa mundong ito at pumaloob sa higit pang kapariwaraan sa konsumerismo at kapitalismo.
Sa syudad ng tarps, ang tarp ay hindi lang naman ginagamit bilang advertising ng higanteng negosyo. Hindi makailang ulit na akong nakakita na ang mga tarp ay hinahablot din ng mga ordinaryong tao, ginagawang panangga ng init sa tricycle o bubong sa kariton.
Hindi ba tayo nagtataka na sa syudad ng tarps ay walang tarp sa basurahan? Hindi humihimlay ang tarp sa Payatas. Nagiging bahay ito, nagiging kasangga sa buhay at kabuhayan. Sa mga nawalay na tarps, ito ay nagkakaroon na lamang ng literal na halaga ng bagay—ang hindi nabubulok na materyal na maaring magamit sa isang daan at isa pang paraan ng abang uri na walang akses sa orihinaryong ibinebenta ng imaheng nakapaloob sa tarp.
Ito ang pananalig ni Gloria Arroyo at iba pang politikong nahilig sa mass reproduction ng kanilang imahen sa tarps, sa isang milyon at isang proyektong sila ang umaako bilang awtor at awtoridad. Inaantay na lamang ng abang uri na matapos ang proyekto, kundi man na mahulog ang pagkatali o pako ng tarp, at nang mapakinabangan ang materyal sa mas makabuluhang bagay.
Na ang pangahulugan ay walang kabuluhan at kahulugan ang tarps ng mga negosyo at politiko sa abang mamamayang hindi makapasok at makapaloob sa exklusibong naratibo ng estado. Mga nagpapapogi na kay daling sulatan ng kontraryong “pangit” o hablutin at nang tunay na mapakinabangan ang mga pekeng imahen.(Bulatlat.com)








0 Comments