Aura ng Diploma

Ang posibilidad ng mobilidad ay nananatili.  Naagnas din tulad ng tinta at kapabayaan.  Rumurupok ang frame at ang pako sa dingding.  Nahuhulog, nababasag ang salamin, kundi man kumukulot ang kahoy na pinanglaminate dito, dumidilaw ang papel hanggang di na mabasa ito.  Na sa unang pagkakataon naman ay kahalintulad din ito ng pinagkakaloob sa mismong araw ng pagtatapos:  mga blangkong papel, walang laman, walang sertifikasyon ng pagtatapos.

NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat

Ang Abril ang panahon ng mga pagtatapos.  Isang milyon ang nagsisipagtapos ng kolehiyo bawat taon.  Mga anim na daang libo rito lamang ang tinatayang maabsorba ng empleyo.  Marami pa rito, underemployment pa ang magiging kaso.  Ibig din nitong sabihin, 400,000 ang walang trabaho sa unang taon ng kanilang pagtatapos.

Bakit malaki pa rin ang apila ng pagtatapos?  At ang pangunahing layunin nitong magkaroon ng dokumento ng pagtatapos—ang diploma?  Noon at ngayon, sinasanla ang lupa at kalabaw, kung mayroon ang magulang nito, para lamang makapagpatapos ng isang anak.  Literal at figuratibo ang paggapang ng magulang para sa adhikaing ito.

At ang memento ng pagtatapos?  Nilalaminado, dinadambana sa dingding sa sala—ang pinakapublikong bahagi ng bahay, para matunghayan ng mga dadalaw sa tahanan ang pagkakamit ng intelektwal na kapital ng anak dito, at ang pangako na ito ang maging pasaporte ng panlipunang mobilidad ng buong pamilya, kundi man angkan.  Ang diploma ang bubuo ng naratibo ng posibilidad ng pamilyang Filipino, ang pag-angkla ng pag-angat sa isang pirasong papel.

Pero hindi ito ordinaryong papel.  Ito ay agimat ang turing:  panangga laban sa masasama, kabilang dito ang kasalukuyang karanasan sa paghihirap at pagdarahop ng pamilya, at ang pagkakaroon ng superpowers ng sinumang mayroon nito.  Entitlement o kapangyarihang magkaroon ng politikal na kapangyarihan, kaya gumaganda ang taong nakapagtapos, nagkakaroon ng pogi points ang pamilyang nakapagpatapos.

Pampamilya ang pagpupursigi sa edukasyon at pagpapatapos.  May disenyo kung sino ang pag-aaralin at magtatapos, kung may sobrang pera ang pamilya.  Ang lahat ay makakatulong para makapagpatapos ng isang miyembro.  Mag-aambagan ang maraming nagtratrabaho para makatapos ang isang aako ng responsibilidad para sa ibang mga kapatid.  Kaya ang mga kasapi ng pamilya ay nagkakaroon ng kahalintulad na entitlement sa napagpatapos nila.

At ang panahon ng pagbabayad-utang kundi man ng utang na loob ay kagyat.  Ilang OCW ang buong angkan ang tinutulungan sa 24/7 na pagtratrabaho bilang katulong, o pagpatong-patong ng tatlo o lampas pang trabaho bilang nurse?  Ang isa kong hipag, panganay sa kanila, matapos maisaayos ang buhay ng mga anak sa US, ay isa-isa namang tinutulungan ang mga pamangkin sa lahat ng mga kapatid para makapagpatapos?  Marami rito ay nasa elementarya pa lamang.  Ano itong inako niya?

Naging superwoman na lamang siya.  Ang kanyang diploma ang naging kontrata ng kanyang inakong responsibilidad.  At ito ang aura ng diploma, hindi man dala ng hipag ko sa US, at tila inaasahan naman sa unang kapatid na nakapagtapos at nakapunta ng ibang bansa.  Pakiwari pa rin ng etiko ng diploma ang di sinasambit na panuntunan kung bakit nangyari nga ang ganito at ang inaasahan.

Sa isang banda, ang aura ay pagtutumbas sa karanasan sa orihinal at una, ang kapasidad ng isang nilalang na akuin ang lahat ng gawain para sa final na produkto, ang kanyang edukasyon, at ang manifestasyon ng individual at kolektibong pagpupursigi sa papel ng diploma.  Ito ang sertifikasyon ng mahabang panahon—karaniwan ay madugo at punong-puno ng pighati—tungo sa realisasyon ng ideal.

Na kahit na nga isang milyon ang diplomang ipinamumudmod ng mga kolehiyo taon-taon, ang bawat isa ay sertifikasyon ng orihinalidad—ang definitibong kwento ng pagpupursigi at pagtatapos sa tertiaryong edukasyon.  Ang diploma sa kolehiyo ang pinakainaasam na diploma.  Ang naunang diploma sa high school at elementarya, maging ang iba’t ibang diploma mula sa pagtatapos ng CMT, spelling bee, akademikong kagalingan at iba pa ay xerox lamang kumpara sa orihinal.  Hindi kayang i-reproduce ang orihinal sa pag-aakala ng bawat nagsisipagtapos at ang kanilang pamilya.

Ang mga naunang diploma ay substitute lamang, hindi ito ang ideal.  Kaya saan mang lupalop nakuha ang diploma sa kolehiyo, may pagkakahalintulad ang mitolohisasyon:  this is it!  Ito na ang papel na di lamang magsesertifiko ng apat o lampasan pang taon ng pagpupursigi para sa higit na kapital na magpopondo sa pagtatamo ng intelektwal na kapital, kundi ang pagtatamo ng intelektwal na kapital na maghahatid sa panlipunang mobilidad, kundi man sa higit pang panlipunang at finansyal na kapital.

Investment ang turing sa diploma.  At kung ano ang mahika ang dulot nitong papel!  Kaya nitong itransforma ang abang buhay ng individual at pamilya, at lampasan pa rito kung kinakailangan, tungo sa mas mabuting antas ng pamumuhay.  Chain effect, di ba?  Isang papel at ang posibilidad ng pag-angat ay sinasaad bilang walang hangganan.  ‘Ang mundo ang sa iyo,” ang tasitong isinasaad ng mitolohiya ng diploma.

At personalisado nga ang pagsasaad.  Isang milyong kumpletong pangalan—ang nagtatapos na ako, ang walang maliw na ako–ang isa-isang ipinasok sa diploma, mapa-computer man o sulat kamay ng isang artisanong ganito ang profesyon.  Kaya kahit isang milyon ang nadaragdag na diploma, bawat isa ay owtentikong karanasan at pagdaranas ng posibilidad ng panlipunang mobilidad.

Sa kabilang banda, ang aura, tulad ng anumang mass na produkto, ay aktibo lamang sa sandali ng pagtatapos, kundi man ng pagtunghay sa pagtanggap ng diploma ilang panahon matapos ang pagtatapos.  Matapos nito, kahit ilaminado pa at idispley sa sala, wala na itong auratikong bisa.  Nalaos na ito ilang panahon lamang matapos itong literal na makamit.

Nawawala na ang alaala ng pagpupursigi at patatangis.  Ito ay naging artifact na lamang na naunang panahon, kahit pa hindi naman tunay na nagbabago ang panlipunang lagay ng individual at pamilyang nakakamit nito.  Para itong nanood ng sine, ang aura ay sa sandali lamang ng panonood.  Matapos, pagtayo pa lamang ng silya patungong labasan ng sinehan at ng mall, pauwi ay makakalimutan na ang karanasan.  Hindi panghabangbuhay ang aura, kahit pa sa diploma ito.

Marahil, paminsan-minsan na lamang sasagi ang auratikong dulot ng diploma.  Kapag tinunghayan ito, binawi mula sa bahay ng magulang para dalhin sa sariling tahanan, o sa periodikong pagpapa-xerox nito para mag-apply ng trabaho, o kapag nagre-reunion sa kolehiyo, aktibong hinihikayat na mag-donate sa alumni funds para sa pagpapabuti ng fasilidad at serbisyo ng kanilang alma mater.  Sasagi pero hindi maninirahan.

Na isinasaad na traumatiko rin ang karanasan sa edukasyon at pagtatapos.  Na ang pagpupursigi at pighati ay hindi kailanman matutumbasan, na ang pangako ay nananatiling nakapako sa pagdaan ng panahon, at ang pangarap na mapabuti ang lagay ay hindi parating nakakamit.  Kaya kinakalimutan.  Sa karanasan ng kawalan-trabaho, underemployment, at global na ekonomiyang krisis, mas mahirap kaysa madaling makamit ang mga pangarap dulot ng edukasyon at pagtatapos.

Ang agimat ay naging tissue paper:  nadurumihan at disposable, wala palang pinagkaiba ang isa mula sa napakaraming lumalabas taon-taon sa diploma mill.  Na ang mga cottage industry at souvenir na lumabas kaakibat ng diploma—graduation pictures, yearbook, transcript of records, clearance, recommendation letters, at iba pa—ay tunay na nagpapakita lamang sa may-ari ng xerox machines.

Na kahit ilang ulit itong i-xerox, walang pangako ng trabaho, pag-angat, pagganda sa komunidad, pagyaman ng pamilya, pagiging mas mabuting mamamayan.  Nananatiling xerox pa rin ang mga kopya, at ang orihinal ay madidiskubreng isang kopya lamang pala—kopya ng orihinaryong adhikain para sa mabuting buhay.  Kaya ito ang pagkakataon—kasama ng pamilyang naghahatid sa paglisan ng OCW sa airport—na masibo ang produksyon ng luha.

Ang diploma ay emotibong papel.  Tissue paper, di nga ba?  Di nga lang pampahid ng luha, kundi figuratibong receptacle ng luha ng individual at kanyang pamilya.  Iyak kete iyak, at ang trahedya nito, walang katarsis.  Ang pag-iyak ay hindi hahantong ng paghinto ng rasyonal kung bakit umiiyak, kundi pagtapak sa gas para sumulong para sa mas matindi pang anyo ng iyakin bilang emancipated na individual.

Hindi malayang individual, malaya lamang para makapag-apply ng trabaho, maging OCW o call center agent, malayang maging sacrificial lamb ng pamilya.  Ang aura ng diploma ay naging reproduceable na lamang hindi pa sa pagkakamit nito kundi sa pag-fossilize nito:  artifact ng naunang panahon at kondisyon, na sa aktwal naman ay hindi hiwalay sa kasalukuyan.  Na-frame lamang ang panahon bilang expresyon ng naunang kasaysayan nito.

Ang posibilidad ng mobilidad ay nananatili.  Naagnas din tulad ng tinta at kapabayaan.  Rumurupok ang frame at ang pako sa dingding.  Nahuhulog, nababasag ang salamin, kundi man kumukulot ang kahoy na pinanglaminate dito, dumidilaw ang papel hanggang di na mabasa ito.  Na sa unang pagkakataon naman ay kahalintulad din ito ng pinagkakaloob sa mismong araw ng pagtatapos:  mga blangkong papel, walang laman, walang sertifikasyon ng pagtatapos.

Ang pagtatapos ay pagsisimula pa lamang ng direktang integrasyon sa politikal at ekonomikong kondisyon ng bansa.  Sa maraming di nakatuntong ng kolehiyo, matagal na silang lumalangoy sa dagat ng krisis na ito.  Maligayang unang pagtapak sa kumukulong dagat ng global at pambansang krisis!  Tiklupin ninyo ang inyong diploma, gawing bangkang papel, at nawa’y ihatid kayo sa inyong pinapangarap na destinasyon. (Bulatlat.com)

Share This Post