Ni ROLAND B. TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat
Sa US, ang mga kababaihang whistleblower na sina Cynthia Cooper ng Worldcom, Sherron Watkins ng Enron, at Coleen Rowley ng FBI ay binansagan ng Time Magazine bilang “Persons of the Year” ng 2002. Inilantad nina Cooper at Watkins ang kabalastugang nagaganap sa paglilimas ng yaman ng kompanya ng Worldcom at Enron ng mga executives nito, at ang pagpapalobo ng statistikang nagpapapogi sa company profile. Si Rowley naman ay nagsulat ng memo sa Direktor ng FBI, nag-aabiso hinggil sa teroristang panganib na hahantong sa Sept. 11 na insidente sa World Trade Towers.
Sa Pilipinas, ang mga whistleblower ay kinakasuhan ng gawa-gawang paglabag, inaaresto, kinukulong, at sa kaso ni Jun Lozada ng ZTE-NBN Broadband scam, sinampahan ng 16 na kaso, isinama pa ang asawa at iba pang kapamilya nito sa mga kaso. Nauna na ang perjury case laban kay Lozada ng dating presidential aide Mike Defensor. Matatandaan na si Lozada ang “star witness” sa $329 million broadband deal, na naglantad sa malawakang korapsyong naganap sa naunsyaming scam sa pagitan ng mga ofisyal ng bansa at ng contractors nito.
Sa panahon ng retro fashion at furnitures, ipinauso muli ng administrasyon ni Arroyo ang bago nitong script sa pagsasaayos ng sarili nitong alingasngas na naging publiko: una, low-profile ang pangulo, deadma o pagsasawalang-kibo at pagmamaan-maangan nito; inihihiwalay ang pangulo para iba ang managot at mag-restback, kaya ang ikalawa, ang paghaharap ng kaso bilang modalidad ng pag-aawas kundi man paghihiganti sa nagbunyag ng katotohanang ayaw marinig ni Arroyo at ng kanyang Kamag-anak, Incorporated.
Hindi ba’t ang ganitong katugunan ay umaalingawngaw ng martial law tactics ng mga Marcos? At least, sa panahon ni Marcos, malinaw ang kanyang kamay sa pagmamaniobra sa oposisyon. Sa kaso ni Arroyo, invisible ang kamay, at handa pa ang mga miron nito, na tulad sa chess, ay protektahan ang reyna sa panahon ng matinding kagipitan nito. Sa ngalan ng kaligtasan ng reyna, nalaglag si Jocjoc Bolante ng Fertilizer scam, na-promote si Romulo Neri sa SSS, at namamayagpag pa rin si Winston Garcia sa GSIS.
Nauna na ang mga kaso laban sa mga miyembro ng media na nag-uulat ng mga kritikal na storya sa administrasyong Arroyo. Noong 2007, 40 libel na kaso ang iniharap ni First Gentleman Mike Arroyo sa mga journalists na kundiman bumabatikos ay nagpapahayag lamang ng katotohanan hinggil sa mga balita ukol sa administrasyong Arroyo. Ang pinakahuling pumutok na pagkakaso sa media ay sa broadcast journalist na si Cheche Lazaro na kinailangang mag-post ng bail para hindi maaresto sa kaso ng illegal wiretapping charge na iniharap ng ofisyal ng GSIS.
Ang mga personalities ng oposisyon ay hindi rin tinatantanan. Ang artista sa pelikula, si Rez Cortez, at isa sa pangunahing lider ng Fernando Poe Jr. Movement ay humaharap sa pagkaaresto dahil sa kanyang naging papel daw sa paglalantad ng “Hello, Garci” tapes. Una nang binasura ang kaso ng Makati Regional Trial Court pero muling binuhay, tulad sa huling kaso ni Lozada, ng Court of Appeals.
Ang mga lider ng mass movement ay kinakasuhan din ng mga ofisyal ng GSIS. Ang tagapangulo ng Courage (Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees), si Ferdie Gaite, at ACT (Alliance of Concerned Teachers), Antonio Tinio, ay may kinahaharap na mga kaso ng libel mula sa GSIS. Ako na nagtratrabaho sa gobyerno ay hindi nauubusan ng naririnig na horror story mula sa kapwa empleyado at guro hinggil sa mga biglang naglabasang utang, ang walang makuhang pension dahil sa mga nagsulputang utang, ang kawalan ng pondo para makautang, ang pila para sa e-card ng GSIS na sa isang pribadong bangko pa pinapisan, at iba pang nakakapanghinang kwento matapos ng deka-dekadang buhay na inilaan sa serbisyo publiko.
Ang rekurso sa legal na diskurso ng administrasyong Arroyo ay tunay na nakakapanghina at nakakapanlumo sa sinumang kinasuhan nito. Nakakaubos ng oras, panahon, pera at emosyon. Nadaramay ang pamilya at kaibigan. Nakakaroon ng masamang panaginip ukol sa posibilidad ng aresto at pagkakulong. Napapatanong tuloy kung sulit nga ba ang sakrifisyong inalaan?
At ito ang gustong mangyari ni Arroyo sa personal na antas—ang panghinain ang naglantad ng katotohanan, ibalik sa naglantad ang defense sa sarili, ang rasyonalisasyon kung bakit ginawa ang bagay na pwede namang hindi gawin. Sa politikal na antas, ang pagkakaso ay isang pagbibigay-ehemplo, chilling after-affect, sa sinumang nagnanais maghanap at maglantad ng katotohanan. Sa guni-guni ng administrasyong Arroyo, ang mamamayan ang gusto nilang maging deadma sa kanilang katiwalian at korapsyon—ang magmaan-maangan na 20 hanggang 30 porsyento ng yaman ng bayan ay napupunta lamang sa bulsa ng iilang politikong nasa kapangyarihan.
Na hindi hiwalay ang rekurso sa matagalan at nakakapagod na litigasyon, na ang pangunahing alituntunin ay kundi “don’t get mad, get even” at “pikon talo,” sa mas hayagang politikal na panunupil—ang may isang libo nang aktibistang pinapaslang sa pinakamasahol na pamamaraan, at 300 na dinadampot at hindi inilalabas ng militar at para-militar na grupo. Kasama rin sa madugong track record ni Arroyo ang 100 peryodistang pinaslang sa panahon ng kanyang administrasyon.
Ayon sa UN Special Rapporteur sa extrajudicial, summary or arbitrary executions, sa Amnesty International at iba pang grupo para sa karapatang pantao, ginagamit ng adminsitrasyong Arroyo ang criminal justice system bilang kasangkapan sa sistematiko nitong panunupil. Tinukoy nila ang Inter-Agency Legal Action Group (IALAG), itinatag noong 2006, bilang ahensya ng gobyerno na nasa liko d ng paghaharap ng gawa-gawang kaso sa mga lider at kasapi ng progresibong organisasyon at party-lists.
Susugan pa ito ng deklarasyon ni Raul Gonzalez, Secretary of Justice, na tanging probable cause lang ang hahanapin nila sa pagkakaso, at bahala na ang korteng humusga sa kanilang inaakasuhan. “No bail” ang murder at arson. Dumarami na rin ang insidente na ang mga kaso ay muling nire-recycle, kundi man, binubuhay sa ibang korte.
Maliwanag na nasaad sa artikulong ito na mas lalong lumala pa ang ating sitwasyon matapos ang matagumpay na pakikibaka ng bayan sa EDSA 1.
Masakit man isipin ngunit marami ang nagsasabing mas mainam pa rin ang sitwasyon noong panahong si Marcos lamang ang kinikilalang makapangyarihan sa bansa.
Kahit na napakasaklap ng sinapit ng libo-libong aktibista at mamamahayag sa kanyang kamay na bakal, kagaya ng nasaad din sa artikulong ito, malinaw ang kanyang kamay sa pagmamaniobra sa oposisyon.
Hindi ko maiwasang magtanong kung ano na ba talaga ang nakamit natin mula sa EDSA 1? Kalayaan ba ang talaga ang ating natamo o lalo lang nating natagpuan ang sitwasyong mas masahol pa sa tunay na diktadurya?