Ako Mismo o Kolektibismo?

Kaya ang postura ng individual ay parating bilang moderno, kosmopolitan at urbano. Walang nakakaisip ng moderno bilang mas mababang uri, pedestriano at tradisyonal. Ito ang paglikha ng pribadong sarili, lalo na sa neoliberalismo. Ipinapaako sa sarili, sa ako ang pag-asa para sa katubusan ng sambayanan, kundi man ng imahinaryong kolektibidad, sa pamamagitan ng pagkamit ng middle-class markers.

Kaya hindi kakatwa ang pagbili ng tags bilang marka ng afiliasyon sa imahinaryong pamamayanan, pati sa imahinaryong causa nito. Na isa pa ring ensayo sa konsumerismo, pati na rin sa kahandaan ng sarili sa dole-outs ng politiko. Garantisado sa maraming pagkakataon ang depolitikal na pamamaraan—ang rasyonalisasyon ng apolitikal (kasama na rito ang efficacy ng Bantay Bata, Bantay Kalikasan, Sagip Bansa modes) bilang rasyonal na paliwanag ng estado.

Kay Gloria Arroyo, wala nang magagawa, antayin na lamang ang eleksyon ng 2010 para mapalitan siya. At kahit mapalitan siya, muli’t muli na naman niyang isusugal ang yaman ng bansa para sa pagkakataong maipanalo ang kanyang lehitimong piniling kandidato. Sa mga malalaking negosyante, ang gitnang uring panaginip na akma sa “wala nang magagawa” mode ng gobyerno. Tanging sa pagiging kasapi ng gitnang uri may magagaa pa.

Ang masa ay demonized, nirerepresenta ng media at gobyerno bilang mob, pedestriano, rowdy, at politikal. Kaya kailangang i-contain (politikal na pagpaslang, pandurukot, no-permit-no-rally, legal na harassment), kundi man outward na koersyon, tulad ng demolisyon at dispersal. Gayong ang di isinasaad ay politikal na ang depolitisasyon o ang pagtanggap sa apolitisasyon ng individual na kalagayan.

Ang bisa ng politikal ay bisang kontra-estado. Walang puwang ang anumang mas mababa rito. Tulad sa politikal na pagpaslang, na aktibista lamang ang pinapatay dahil ito ang figurang itinakda ng gobyerno na mapanganib at kontra-estado, ang ginagawa ng negosyo ay pangungumbinsi sa tinatahak na landas ng gentrifikasyon: magpayaman na lamang nang hindi na kailangang ibenta ang sagradong karapatan ng pagboto, o ang pagpili sa konsumerismo ay pag-eensayo ng liberal na demokrasya.

Ang radikal (politikal na makauri) na individual o ang OCW at call center universe? Sa pamamagitan lamang ng politikal na sarili mare-reclaim ang tunay na ahensyang magiging mapagpasya sa kolektibismo. Nakaugnay ang sariling ito sa politikal na masa, ang ugnayan ng politikal na sarili sa politikal na masang kilusan. Dito naman maisasakatuparan na ang pangarap ng sarili ay pangarap ng lahat, ang realisasyon ng kolektibismo mismo.

Sa politikal na pagkanilalang (isang substansya na pinipili ng individual), ang puwang ng kasaysayan at makauring panunuri ang lilikha ng transformasyong panlipunan. At ang kolektibong paglikha ay inaakda ng mga politikal na individual. Ang rebolusyon ay hindi naman natatanging pagkakataon ng pagtunghay sa class war. May class war din sa pang-araw-araw na aktibidad ng estado—mula malling, panonood ng sine, at kahirapan, kagutuman, kawalan ng matirahan, at pagkasalanta sa baha.

Sa huli, hindi ako mismo ang magpapalaya at magpapabago sa lipunan, kundi ang politikal na sambayanang hindi ina-address ng kampanya, ang ayaw i-address ng kampanya. Tags kapalit ng taas-kamao; personalidad kapalit ng nakikibakang masa, pati ng naghihikahos na masa; media-savyness kapalit ng kolektibong pagkilos; pangarap sa gitnang uring panuntunan kapalit ng aktwal na realisasyon ng kondisyon ng paghihikahos.

Politikal dahil sa politikal lamang nagkakaroon ng puwang ang makauring atas ng kasaysayan para sa transformasyong panlipunan. (Bulatlat.com)

Share This Post

One Comment - Write a Comment

  1. Ang galing ng pagkakalahad,at malaman ang mensaheng nais iparating sa mga mambabasa. Puno ng katotohanan at realidad ng buhay. Puna ko lang sa "grain of sand". Sabi ng Profesor kong si Prospero Covar, ang isang salita kapag hindi gamitin kahit ito ay naryan lamang ay mawawala, mapapalitan ng ibang salita laluna banyaga dahil ito ang mas ginagamit. Hindi ba puwedeng gamitin ang butil ng buhangin kaysa "grain of sand"?

Comments are closed.