Reality TV Bilang Aquarium

Ni ROLANDO B. TOLENTINO
Kulturang Popular Kultura
Bulatlat.com

Iba-ibang panahon, iba-iba ang genre na tinatangkilik sa telebisyon. Minsan ay namumutiktik ng gameshows sa panahong matapos ang Asian crisis ng 1997, patungo sa kasalukuyang krisis ng 2009. Nagtransforma ang ibang genre: mula sa walang katapusang melodrama series kung saan nakita natin ang kamusmusan at pagdadalaga ng mga karakter ni Janice de Belen at Julie Vega, tungo sa mabilisan pagsasalansan ng teleseryeng pinagbibidahan ng “it” boy at girl ng malalaking studios.

Ang kasalukuyang telebisyon ay pinamumutiktikan ng reality TV, mga quest show na isa-isang tinatanggal ng loob (talunang tribu sa Survivor, o nomination sa Big Brother, at ng mga jury at home televiewers sa pamamagitan ng text voting) hanggang ang pinaka-morally upright ay magtagumpay.

Ito ang template, bagamat mayroong variation. Una ay ang weekly shows na may quest saga rin—pakikibaka para sa isang obhetibo—pero ito ay pinapalitan kada episode. Ikalawa, ang paglahok ng material na realidad sa ibang genres. Sa Wowowee, halimbawa, ang pagpasok ng individual na background sa kahirapan at kasalukuyang predikamentong dulot nito sa paglahok sa iba’t ibang kompetisyon.

At ikatlo, ang news magazine show na mayroon nang quest din, hindi na lamang simpleng explorasyon sa buhay ng mga sabjek ng dokumentaryo. Halimbawa nito ang Imbestigador at Bitag na naglalayong i-caught-in-the-act ang mga inaakalang mapang-abusong objek ng paghihinagpis ng nadehadong sabjek, kundi man, ang isinasakdal at nililitis bilang imoral sa uniberso ng morally upright na uniberso ng “news investigation” format ng telebisyon.

Ang kasalukuyang namamayaning reality TV ay hindi katatakang halaw sa franchise ng global na TV. Pinoy Idol, Project Runway, Big Brother at Survivor Philippines ang ilang halimbawa nito sa panahong may pagkakaiba ang kontexto ng US (Netherlands sa kaso ng Big Brother) sa partikular na pinaghahalawan ng maraming inangkat at nilokalisang reality TV sa bansa. Hindi nga ba’t hindi naman lubos ang pagtanggap sa Pinoy Idol kahit pa ito ang bansang magaling ang talento sa plakadong musikang ipinagtagumpayan nina Charise Pempengco at Arnel Pineda?

Hindi rin kakatwa na marami sa inangkat na palabas ay papalaos na sa marami nitong pinag-angkatan. Tapos na raw ang great era ng reality TV sa US dahil lahat na lang ay nagkaroon ng reality TV shows. Di nga ba’t ang aspirasyon ng mag-asawang nag-videotape ng hot air balloon na inakalang pinagtaguan ng kanilang anak ay upang magkaroon ng sariling reality TV? At lahat ng maiisip na has-been at aberrant figure sa pop culture ng US ay nagkaroon na ng sarili rin nitong reality TV.

Marami nang paliwanag sa fasinasyon sa voyeuristikong kultura ng reality TV. Gusto natin na mamboso sa buhay-buhay, lalo na sa mga katawan at mobilisasyon ng sexualidad nito, sa pang-araw-araw na tunguhin ng mga tauhan sa reality TV. Gusto nating mabuhay vicariously sa pamamagitan ng ibang tao. Kung lulubog, sila ang lulubog. Kung may elimination challenge, sila ang magkakakundarapa para makaagapay at magtagumpay. Kung may immunity challenge, sila pa rin ito.

Habang tayo ay nasa sekuridad ng sala o tulugan, hindi tayo ang lubos na nahihirapan. Namumuhay lamang tayo sa pagkatao ng mga tauhan sa reality TV. Na hindi naman hiwalay sa kondisyon ng malling at gitnang uring aspirasyon. Nagmo-malling tayo at natatanaw ang paghihirap ng ibang mas dusta ang buhay kaysa sa atin. Pero wala tayong gagawin. Kundi man, natatanaw natin ang gitna at elitistang uring aspirasyon. At dahil hindi natin makakayanan ang gastos ng pamimili, namumuhay tayo vicariously sa mga mas mataas na panandang-marka ng gitnang uring buhay sa labas natin.

Ito ang kondisyon ng aquarium na idindiin ng reality TV. Nililikhang seperadang mundo ang tunay at historikal sa isang banda, at ang fantasya at palabas sa kabilang banda. Na ang nagaganap na direktang kumpetisyon sa Survivor at tasitong kumpetisyon sa Big Brother ay kaiba sa kapitalistang dikta ng Darwinian na kumpetisyon na may variasyon: survival di na lamang of the fittest, pero survival of the most morally upright (sa kapitalismong kaayusan, na kahit sa esensyal ay exploitatibo ay ipitatamo sa kompetitor na pinaka-makatao pa rin ang pakikitungo), pati na rin of the hunkiest and prettiest of the lot (walang mananalong pangit sa musical competition dahil hindi marketable ang pangit).

At ang kakatwa rito, iisang tao (ang manonood mismo) ang nagpapatagos ng distinksyong ito. Nagtagumpayan nang gawin ng kapitalistang sistema ang individual na manonood bilang taga-filter ng lohika at etika nito: na sa lohika ay nagpapanatili sa kanya bilang pasibong spectator (kahit pa sabihin sa cultural studies na aktibo ang manonood na labanan at makipagnegosasyon ng kahulugan mula sa namamayani at nagpapatagos na kaayusan), at etika na nagpapakiling sa kanya sa kumpetisyon bilang larangan, at ang magtatagumpay bilang pinakanararapat.

May ilang nakapagsabi sa akin na kung gusto ko raw mag-relax—makapag-meditate nang dilat—bumili raw ako ng aquarium. Una, dadalhin ako nito sa ibang uniberso na hindi ko natutunghayan sa ordinaryong buhay sa lupa. Ikalawa, hindi kumikibo ang natutunghayan ko, parang hindi nila ako nakikita. Mayroon silang ibang mundong iniinugan. Kaya hindi ako mahahawaan ng kanilang kumpetisyon sa pagkain o isa’t isa na nagaganap pero hindi ko natutunghayan.

Share This Post