May makinarya at may negosyante sa Malabanan kaysa sa anunsyo ng tubero. Kaya mas mahal ang serbisyo kahit pa pareho ring periodiko ang pangangailangan sa mga serbisyong ito. Na kakatwa sa anunsyo ng mas malalaking negosyo na may seduksyon pang nangyayari sa nais mag-apply ng trabaho.
Sa SM, clinical ito. May minimum requirement ng physiognomy ng aplikante. Height, weight, walang tattoo. May minimum na educational requirement. At may ebidensyang pinapapasa bilang patunay sa regularisadong pangangatawan para sa retail marketing: police clearance, NBI clearance, baranggay clearance (na parang ang unang sapantaha ay kriminalisado ang bawat pangangatawan hanggang sa ma-clear ito), at iba pa.
Sa call center universe, mas matingkad ang seduksyon. May kabataang modelo na may stereotipong earphones na masaya ang depiksyon sa advertisement. At tunay naman ang mas mataas na turing sa gawain ito—mas malaki ang entry salary, mas glamoroso ang pananamit, mas may leeway sa paggastos—kaysa sa pagiging tubero at manggagawa ng Malabanan.
Ang ipinagkaiba ng advertisement ng negosyo at tubero ay nagsisiwalat ang una ng kapangyarihang makabili ng trabaho, na mas mataas na anyo ng kapangyarihan kaysa magbenta ng partikular na gawaing periodiko at sporadikong kinakailangan. Kumpara sa pagiging tubero, ang sales person ay mas mataas ang halaga dahil may akmang personalidad na inaasahan kundi man matre-train ng negosyo para sa sariling interes nito.
Ang ipinagkaiba ng advertisement ng negosyo at Malabanan ay hindi lamang ang lunan ng paggawa: mall at poso-negro, mayroon ba namang pagpipilian pa? Ang ipinagkaiba rin ay ang transformasyon ng kondisyon ng poso-negrong kalakaran sa paggawa sa mall sa artifice ng mall (malinis, maginaw, magandang kapaligiran). Dagdag pa rito, ang implikadong gawain ng mamimili sa negosyante, na ituring ang relasyong paggawa bilang invisible na kalakaran sa mall.
Sa gayon, ang baho-dumi-kabulukan ng poso-negrong kondisyon ng paggawa sa mall ay naglalaho, at ang tinatanaw-inaamoy-tinutunghayang kapaligiran ay ang nabibiling panorama ng gitnang uring panuntunan. Tungungan lamang ang paggawa sa mas mataas na ideal ng kapangyarihang makabili nito, o mula rito makaranas ng gitnang uring panuntunan ng buhay.
Naglipana ang karatula ng tubero kahit hindi napapansin. Naglipana ang manggagawa sa hanay ng sumasakay sa publikong sasakyan, maging sa nagmo-malling. At maging sa kanilang hanay, sila man ay natuto na ring tumunghay sa sariling pagdanas sa mall bilang langit, at kung bakit kailangang itatwa ang material na poso-negrong realidad ng pagiging pesante at taga-komunidad ng maralitang tagalungsod.
Sa uniberso ng mall, ang kondisyhon ng poso-negro. (Bulatlat.com)