Panibagong Harassment ng Militar sa Baseco, Lantaran! Maagang Electioneering Isinasagawa!

Inilathala ng KADAMAY-Foreshoreland

Pagpasok pa lamang ng taon, nagsimula na namang nag-iikot ang mga militar na nakadeploy sa komunidad ng maralita sa Baseco at pinupuntahan ang mga bahay ng mga lider-maralita. Ito ang aktwal na nararanasan ni G. Allan Monterde, tricycle driver, ikalawang Presidente ng Samahan ng Mamamayan sa Baseco at kasapi rin ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap-Foreshoreland.

Disclaimer | What you are reading is either a press release/ statement or a manifesto. These materials do not go through our editorial process and do not reflect our policy or position.

Batay sa salaysay ni G. Monterde, noong Enero 4, 2009 ng puntahan siya ng 4 na sundalo (naka-Army tshirt) nakadeploy at kasalukuyang may himpilan sa Baseco (1st Community Development Company), sa kanilang tahanan. Isa sa kanina ay nagpakilalang Liutenant. Tinanong umano ng mga sundalo sa kanya ang pangalan ng opisyales ng SMB at pilit na hinihingi ang listahan ng kanyang mga kasapian. Inalam din ng mga sundalo ang ilan pang-bahay ng opisyal ng SMB. Layunin umano ng mga militar na magbigay ng “tulong” sa samahan. Maging ang background ng samahan ay inaalam din.

Naganap ang ikalawang pagpunta ng mga sundalo nito lamang enero 05, 2009 at pilit na inaalam ang listahan ng samahan at maging ang organizer.

Ang SMB o Samahan ng Mamamayan sa Baseco ay binuo pagkakaisa ng ibat-ibang sektor (maralita, manggagawa, kabataan, kababaihan, mangingisda, taong simbahan atbp) ng mamamayan sa Baseco. Binuo ang samahan sa layuning protektahan ang interes sa paninirahan at kabuhayan. Naka-amba ngayon ang demolisyon sa isang bahagi ng komunidad ng Baseco dahil sa programa ng gobyernong pagsasapribado ng pantalan, Nagsisimula na ang implementasyon ng pribatisasyon ngayong buwan ng Enero 2010.

Ang ganitong hakbangin ng militar ay lantarang panghihimasok sa mga gawain at usaping sibilyan at pakikialam nito. Ang pagtungo at paghanap sa mga opisyal ng organisasyon ng mga sundalo ay aktwal na harassment at naghahasik ng takot sa mga kasapi ng organisasyon, mamamayan at hindi lamang sa mga lider-maralita. Lalo na’t nakabalangkas sa isang operation plan (Oplan Bantay-Laya 2) ang militar at pamahalaan na siyang dahilan ng mga libong pampulitikang pamamaslang at aabot sa 200 pagdukot sa mga lider, mga kritikal sa gobyernong Arroyo.

Ngayong panahon ng election, isang paglabag sa karapatan, batas o ELECTIONEERING ang ganitong aktwal na pagkilos ng militar sa komunidad. Lalo na’t alam nilang sumusuporta ang SMB sa ANAKPAWIS Partylist, na kilalang kritiko ng gobyerno at nagtataguyod ng tunay na kagalingan ng nakararami.

Matatandaang nuong Nobyembre 2006 nagsimulang ideploy ang militar sa mga komunidad sa NCR. Akwtal na lumahok, hinaras at nakialam ang 202 IB sa pagpapalikas sa maralita sa kahabaan ng riles-south rail. Noon namang Septyembre 2007, bahagi sila sa naganap na pananakit at tinorture ang 18 kabataan (karamihan ay babae at minor de-edad), kilala sa tawag na “Parola-18” at binansagang kasapi ng gawa-gawa nilang organisasyon “Black Terorist Mafia”, hindi pa nakakamit ng mga bata at pamilya nila ang hustisya.

Ang mga bagay na ito ay muling magdudulot ng pangamba para kay G. Monterde na muli siyang babalikan ng mga militar. Nangangamba siya para sa kanyang pamilya. Nangangamba ang mga kasapi ng SMB para sa kanilang karapatang pantao, karapatan para sa paninirahan at kabuhayan.
(Habang isinusulat ang balitang ito, muli na namang pumunta ang military sa bahay ni G. Monterde.)

Share This Post