Avatar at ang Nostalgia sa Komunalismo

Ni ROLAND TOLENTINO
Kulturang Popular Kultura

Bulatlat.com

Napanood ko na rin ang Avatar, matapos ng ilang masasamang titig kapag tinatanong ako kung nagawa ko na nga ito. Matapos maging isa sa pinakamatagumpay na pelikula sa kasaysayan, at kritikal na puna sa ideolohiya nito, napanood ko na rin itong pioneering na pelikula.

Inabante ng pelikula ang 3D live animation at “performance capture” o ang pagkilos ng wired na artista bilang platform ng animation. At sa panonood nito, napatingkad pa ang animation sa pamamagitan ng 3D na resepsyon. Mahal at mahaba ang pelikula—tatlong oras ng buhay—pero marami ang hindi nanghinayang sa pera at panahong inilaan.

Pinuri sa Facebook ang pelikula ng mga aktibista dahil sa anti-hegemoniyang pananaw na sinisiwalat nito: anti-kolonialismo, anti-imperialismo, anti-First World, anti-mining, at pati anti-modernismo, at kung gayon, ang reversal nito ang dinadambana: pro-katutubo, pro-katutubong gawi, pro-katutubong kaisipan (New Age pa nga), at ang hindi matatawaran, dahil sa malawakang pagtangkilik, pro-Hollywood.

At kung magpakaganito, paano magiging anti-imperialista at anti-neokolonyal ang isang pelikulang ginastusan para sa global na kita? Paano ang anti-hegemoniyang perspektiba kung ito ay sinasang-ayunan mismo ng prestihiyosong award-giving bodies at ng global na audience? Paano nalalayo ang bunga sa puno?

Nagtatagumpay ang pelikula sa pagpresenta ng kasalukuyang predikamento—globalisasyon, space as the last frontier, at anti-terorismo—sa pamamagitan ng paglalahad isang romantikong naratibo sa sci-fi (science fiction) genre na gamit ay ang newer generation ng animation. Hybrid ang moda ng produksyon sa pelikula: live at animation; hybrid ang genre ng pelikula: romantikong sci-fi; at hybrid ang resepsyon nito: 3D.

Ang hybridity ng pelikula ang posturang hindi nagpapakahon rito: kung bakit iniisip na may cutting edge ito kahit wala naman talaga. Sa pamamagitan ng live animation, napababa ang gastos sa ikonikong artista, para paboran ang inisyal na investment cost para sa multiple camera placement sa pagtransforma ng live sa animation, na pati mukha at pangangatawan ng artista ay naimapa para sa animation version nito.

Ang moda ng resepsyon—3D na gamit ay spesyalisadong salamin—ay doble-bistang nagtatago sa kapitalistang perspektiba ng pelikula. Sa isang antas, ang pelikula naman talaga ay ang individualisadong kolektibong filtering ng agam-agam sa kasalukuyan: na sa magkahalintulad na historikal na kasalukuyan, kung paano prinoproseso ito. Sa 3D glasses, mas lalo pang napapatingkad ang filtering, lalo pa nga ang panahon ng pelikula ay sa hinaharap.

Ang hinaharap ay nakolonisa na para sa kapitalistang proyekto ng kasalukuyan. Ibinuyanyang ng hybrid na naratibo ang ating agam-agam sa mismong kasalukuyan: imperialistang globalisasyon, iligal na pagmimina, pagkaunos ng kapitalistang kasakiman para sa kita na nagsasawalang bahala at galang sa mga katutubo/environmentalistang gawi. Ibinubuyanyang ang mga ito para maging balon ng interes at kita mula sa manonood.

Hindi masasabing intelihente ang pelikula dahil saklaw din naman nito ang “least common denominator” format: kinakausap ang malawakang bilang ng manonood, mula bata hanggang matanda, mula First hanggang Third World, babae at lalakeng manonood, mayaman at mahirap. Intelligible ang pelikula: madaling maunawaan mula sa kolektibong agam-agam ng kasalukuyan.

At ito ang proposisyon ko rito: na ang reduksyonismo ng kolektibo at kolektibidad ay nakaangkla sa nostalgia para sa primitibo komunalismo, na isang purong fantasya hinggil sa rekurso sa intensifikadong neoliberal na kapitalismo. Ang primitibo komunal ang moda ng produksyon na ang lahat ay pag-aari ng kolektibo, at ang interes ng kolektibo ang namamayani sa lipunang formasyon.

Ito ang fantasya na nakaplantsa na sa maraming historiador at syentistang panlipunang inaangkla ang diskurso ng pre-kolonyal na Pilipinas sa mito ng imakuladang lipunan, na ang mga katutubo ay namumuhay na mayroong sariling kosmolohiyang angkop, kundi man perfekto, para sa isang primitibo ngunit napakataas at makabuluhang pagkataong may kaisahan sa kolektibo na may kaisahan sa kalikasan.

Ito rin ang fantasya ng New Age at leisure industries, tulad ng spa at maging ang organisasyonal na struktura ng girlie at gay bar (na may kaantasan batay sa senioridad at meritocracy pero may pagbalikat sa partisipasyon ng bawat isa para sa tagumpay ng kolektibong unit). Ang mito ng nakaraan, pre-kapitalista pero saklaw din ang pre-alipin at pre-feudal na moda ng produkstyon (kahit pa madaling ietsa-pwera ang mga ito sa ngalan ng mobilisasyon ng soothing modality sa buhay, tulad ng mga mga nagmamasahe sa spa na mababa ang kita), ang siyang pinaghahalawan ng mga bagong relihiyong nakasalalay sa pleasure principle ng hedonismong kapitalismo.

Ito rin ang fantasya ng organikong pagsasaka, pagkain at lifestyle.Mas mahal dahil mas may kaisahan sa kalikasan. Sa Ilog Maria, halimbawa, ang aking paboritong online na bilihan ng mga organikong produkto mula sa mga pagpupursigi ng bubuyog, walang bee pollen akong ma-order sa napakahaba nang panahon dahil pagod daw ang bubuyog sa paglikha ng pulot.Mas mahal ang organikong gulay sa tiangge sa Lung Center tuwing Linggo na madalas sa minsan ko nang narinig bilang “palengke ng mayayaman.”

Share This Post