Normatibong Estetikang Bading

Ni ROLAND TOLENTINO
Kulturang Popular Kultura

Bulatlat.com

May kaganyakan na ang kultura sa pagtanggap ng estetikang bading sa pananamit (fashion). Una, tila may umaalagwang sektor sa ekonomiya—partikular ang call center at BPO (Business Process Outsource)—na nagpapaariba rin sa estetika ng bading. Ikalawa, ang mismong estetikang ito ay magkaalinsabay na may dating na kosmopolitan at sterile na hitsura, kaya nagpapaugnay sa metropoles ng bansa sa aspirasyong wanna-be First World ng estado.

Ang estetikang bading sa pananamit ay ang paggamit ng idioma ng kabadingang nakasentro sa matipuno (kabataan na lean pero hindi patpatin hanggang maskulado at kargadang kalamnan) na katawan ng lalake. Ang ilang emblematikong marka nito ay one-size smaller na shirts (para makita nga ang matikas na katawan, aka, walang tiyan [dapat]), self-reflexive na pantaas (mga burdang hindi masinop, disenyong parang kumalat na patak na pintura o polo na baligtaran, mga tinatawag na “self-reflexive fashion” dahil may patukoy sa sariling pagkagawa), at skinny jeans, halimbawa.

Tumutukoy ang estetikang bading sa pribilihiyadong estado ng matikas na katawan ng kabataang lalake. Narsisistiko ang proyekto dahil walang dili’t iba kundi ang “ako” ang sentral na usapin ng akomodasyon at refernsya ng pananamit. Age-ist ang panunturan ng estetika dahil hindi pwede ang fashion para sa nakakatanda na inaasahang mas konserbatibo ang panlasa, at kung gayon, sa pangkasalukuyan pa lamang, nilalabanan na ito ng esensya ng estetikang bading.

Walang thunder-cats (matatanda), walang bodybuilder maskulado o hyper-masculine. Lahat ng kalalakihan ay nagiging queer: may pagtanggap sa estetikang bading bilang dalumat ng kanilang pagkalalake—hip, youthful, sexy, kosmopolitan, urbano, global, at branded. Hindi sila feminisado dahil hindi naman nagiging mas mababang uri ang kanilang pagkalalake, kinikilala pa rin ito bilang premium sa pagsubstansya ng kanilang pagkalalake sa huling yugto ng kapitalismo.

Na mapapansin na pati mga kabataang babae ay umaakibat sa estetikang bading: plaid shirts, skinny jeans din, baby tees, baby underwear, at iba pa. Feminisado ang kabataang babae dahil sumasabay sila sa isang kasariang pamantayang panlalake, kahit at lalo pa’t mababa ang turing sa pagkalalakeng bading.

Aminado ang estado. Hindi niya kayang paunlarin sa First World ang kanyang bansa at mamamayan. Ang kaya lamang nitong aktwalisahin ay pag-astahing First World ang kanyang gitna at mataas na uri ng kabataang makakaalinsabay sa panuntunan ng global na gitnang uri at ang kanilang kosmpolitanismo.

Kung titignan ang mga pahina ng fashion magazines, o magagawi ang kabataan sa ibang metropoles ng mundo, matutunghayan niya na may iisa nang idioma ng kasalukuyang global na estetika, ang estetikang bading. Mapa-Tokyo o Singapore, Los Angeles at London, halimbawa, tila pare-pareho na ang hitsura, dating at rekurso sa pananamit ng kabataan.

Kung dati, may talas ang kritisismo ng fashion dahil malinaw ang pinanggagalingang abang marjinalidad, ngayon ay purong konsumerismo ang natutunghayan. Dati ay nauso ang hip-hop na fashion, ng maluluwag na maong, sports shirts, malalaking bling-bling, at puting rubber shoes mula sa ghettos ng African American.

Nauna rito ang punk at ska culture, ng mga naka-itim na masisikip na pantaloon, jackets, pins, branded na pantaas, at ang ikonikong Doc Martens na sapatos. Halaw ang mga ito sa working class culture ng UK, tulad ng underclass culture ng mga Itim sa US. Matalas ang kanilang komentaryo hinggil sa reaksyon sa maykaya at may politikal na kapangyarihan sa kanilang lipunan.

Ang problema sa estetikang bading ay sa simula’t sapul ay nilikha ito para sa kita. Ang pink peso/dollar/yen market ay spesipikong pagtarget sa kita ng gay market. Dahil nga marami sa kanila ay single, walang gaanong pinagkakagastusan maliban ang kanilang sarili, mayroon itong sobrang disposable income para sa sariling pangangailangan at luho.

At ang pamamamayagpag ng kasalukuyang estetikang bading ay may dobleng apila: una, mula sa bading, bilang imahinaryo ng fashion na fini-filter ang kasalukuyang youth culture, at bet ng mga bading na maging fashion-savvy, kundi man, fashionista; at ikalawa, sa mga heterosexual, ang breathing space sa mapanupil na heteronormatibidad na nagsasaad ng iisang fashion sense lamang—yung konserbatibong WASP (white Anglo-Saxon Protestant, isipin ang brand culture nina Ralph Lauren at Tommy Hilfiger) na nanatiling kultura pa rin nga sa maraming yuppies ng bansa.

Ang estetikang bading ang bagong normatibidad ng neoliberal na kapitalismo. Ito ang purong konsumerismo dahil sa simula’t sapul ay tinarget ito para sa kita, na ang liberalismo ng mga bading sa konsumerismo at brand at fashion preferences ay napupukaw para sa pinakamaigting nitong konsumerismo. Sa neoliberal na kapitalismo, pati ang disempowered ay nagiging economically empowered sa ngalan ng pagpiga ng higit pang pagkakakitaang katawan.

Ito ang ethos ng neoliberal na kapitalismo: gumasta para higit na magkaroon ng ekonomiya at kultural na espasyo at identidad. Ito ang purong politikal sa estado: huwag magrali, mag-shopping na lamang, at kung walang pera, mag-malling na lamang. Danasin ang lahat sa lente ng paigting na konsumerismo, hindi ng paigting na politikal na panunupil.

Huwag labanan ang sistema, labanan ang sarili (dagdag na oras ng trabaho, multitasking, bawal magkasakit, reblusyon ng mga ina) para makatapat sa panuntunan ng sistema. Tulad ng estetikang bading sa pananamit, kanya-kanya ang pag-agapay sa gitnang uring panuntunan. Kailangang sumabay, ang hindi, lulunurin ng alon.

Lumuluwag ang kontrol ng heteronormatibidad para papasukin ang kapantay na pagkakakitaang estetikang bading. Magko-concede kumbaga dahil temporal lang naman ito. Gayunpaman, emblematiko ang pagbubukas sa estetikang bading sa proseso ng pag-hail (pagpili sa mga nagtataas ng kamay, pati na rin sa hindi) ng neoliberal na kapitalismo: darating ang panahon na ang naisantabing katawan ang kakailanganin nang pagkakitaan at pigain ng naghaharing sistema.

Share This Post

One Comment - Write a Comment

  1. Hahaha. Very well said. 🙂

Comments are closed.