May Mali

Ni Axel Pinpin

May mali sa design ng t-shirt
ng babeng aktibista ng Los Baños
dahil sa ilalim ng mukha ni John Lennon
ay ang pariralang Let It Be.

May mali sa spelling ng Venigar 4 Sale
& Fresh Muscles from Bacoor
na nasa pondahan
sa By-pass Road ng Silang.

May mali sa mukha ni Hesukristo
dahil Cruz ang nasa headline
at hindi ang Krusipihong pinagbayubayan
ng censorship.

May mali sa sining na hindi nakakabuntis
kahit pa singtigas ng titi
at butas na prophylactic ang itinarak
sa gang-raped na relihiyosong lipunan.

May mali sa laptop keyboard
nang mawala ang open parenthesis
dahil romantisismo ang nais
na pawang halik at ngiti lamang ang umiral
sa walang emosyong emoticon.

– Tula na di-matapos dahil may mali (bisperas ng SONA 2011, Plaza ng San Pedro City at mga sumunod pang araw)

Share This Post