Kalendaryong giveaway, elektronikong planner at panlipunang rehimentasyon

Ni ROLAND B. TOLENTINO
Bulatlat.com

Taon-taon ay nakakatanggap ako ng kalendaryo. Hindi ko ito pinapansin, pinagpipilian pa nga. Ang preferensiya ko ay desk calendar dahil iyong wall calendar ay kailangan pang bumutas ng pako sa dingding para pagsabitan. At dahil may pagka-OC (obsessive compulsive) rin ako, madalas kong balik-balikan ang planner ko para ilista ang bago, tignan ang skedyul sa araw, at magtakda ng bagong appointments.

Dati ay printed itong planner. Mainam ang corporate giveaways dahil gusto ko ang daily na buong pahinang mapapagsulatan hindi lamang ng skedyul, pati na rin ang ilang thoughts sa araw na iyon: mga nadinig, imahen na naisip, pakiramdam na gustong mag-linger. Nagiging scrapbook din ito. Idinidikit ko ang napkin sinulatan ng thoughts dahil hindi naman nabitbit ang planner.

Tapos ay naging elektroniko ang planner. Wala pang feature ang calendar sa cellphone kaya bumili ako ng Palm para rito, nauna pa nga itong magkaroon ng camera at nakakakuha rin ng images na iniu-upload sa Internet. Ang problema ko rito ay nabubura, lalo na kapag na-virus ang computer, burado ang alaala ng skedyul at ng thoughts.

Ang mga kaibigan ko, maging ang mas bata sa akin, ay sa cellphone lahat nakatalaga ang kanilang skedyul. May alarm function pa para ipaalaala na dapat ay naroroon na sila sa appointments nila. Hindi ko gusto ito dahil gusto ko ay natatanaw ang skedyul na pwedeng kada araw, linggo o buwan. Pati na rin nga nasusulatan ng thoughts.

Nang mag-judge ako sa isang public relations (PR) awards, sa kategoryang public relations, nagulat ako na kalendaryo ang marami sa entries. Dahil may paliwanag kung ano ang entry at ang rasyonal nito, marami sa mga PR agency ang nagsaad na ang kalendaryo ang hindi lamang pinakaefektibong makapaghatid ng corporate na mensahe, ito rin ang pinakaefisyente dahil nga araw-araw, buwan-buwan at buong taon matutunghayan ng target audience ang nais sabihin ng mga korporasyon.

Kaya ang dalawang malalaking kompanya ng petrolyo ay may kalendaryo ang laman ay ang kanilang corporate social advocacy: ang sining biswal. Nilalaman ng mga pahina ang malalaking imahen ng nga nananalong mga piyesa, at ang bawat pahina ay may logo ng kompanya pati ang ilang paliwanag sa kumpetisyon at ang mga nanalo.

Swabeng rehimentasyon ito na may kaya rin palang gawing “mabuti” ang marahil ay dalawa sa pinakahiganteng korporasyon sa bansa. Hindi lamang pala sila aktibong kalahok sa price manipulation, gahamang kita, oil leaks, pati ang mga giyera sa mundo para sa resources para sa langis. Sila rin pala ay tagapagtaguyod ng sining ng bansa.

Ang ilohikal nagiging lohikal, ang pagkagahaman ay nagiging benevolence, ang trahedya ay nagiging pang-araw-araw na tool sa bahay, pagplaplano ng buhay ng individual, pamilya at mga opisina. Ito ang bias at bisa ng corporate logic sa pamamagitan ng konseptuwalisasyon, paggamit at diseminasyon ng kalendaryo bilang public corporate tool: isang taong maasahan dahil ay ang pangako lang naman ay ang pagtatakda ng araw (sa ibang pagkakataon ang mga full moon at new moon na mahalaga sa pangingisda, pagsasaka at astrolohiya). At ang araw, linggo, buwan at taon ay hindi naman kagagawan ng mga korporasyon. Ang kanilang dulot ay ang realibilidad at mapapagkatiwalaan (at libre) na pagpapalaganap ng petsa. Maliban dito ay wala na.

Sa elektronikong planner naman, sabayan ang brand (ang piniling cellphone na isa sa inaakalang marka ng modernong individualismo) at ang lifestyle choice (na nagpla-planner dahil sa pangangailangang abisuhan ang sarili sa busy scheds ng buhay, at kung gayon, isang responsableng kabataang mamamayan) na binibigyan-rehimentasyon.

Ang brand ay ang nakakahigit na preferensiya: handang magbayad dahil may lampasang sinasabi ang korporasyon at handang magbayad ng mas labis ang konsumeristang individual. Hindi nga ba’t sa pinakamahabang panahon, ang Filipinas ay tukoy na Nokia-land dahil ito raw ang preferensiya natin? At dahil sa napaunlad na brand loyalty ay magdalawang-isip tayong magbago dahil mabubura ang ating vital details sa paglipat sa ibang mga plataporma?

Pero ang ikalawang antas na isinasaad ay ang lifestyle choice, na ito na nga ang pinili nating buhay, ang pang-araw-araw na pagboto para sa buhay sa kapitalismo! Na ang inaakala nating pagtatalaga ng skeds at plano ay ang mismong itinalagang buhay para sa atin sa ilalim ng neoliberal na kapitalismo?

Tayo na nagplaplano sa ating elektronikong planner ay malaon na palang naplano ng higanteng korporasyon at ng estado na gumawa, nagtransforma at patuloy na nagtratransforma ng individual na mga buhay sa kanilang sistema at sistematikong gawi’t kalakaran.(https://www.bulatlat.com)

Share This Post