Kapit-kamay, Tulong sa Bayan relief operations sa Angono

Ni RICHARD R. GAPPI
Bulatlat.com

Intoy, ipinagkaloob ng tatay
sa mga nasa evacuation center
ang iyong mga pinagliitan:

ang sapatos na unang sumapo sa iyong bigat
noong pinag-aaralang mamaybay at lumakad

ang mga bolang nagpatahan sa iyong iyak
at nagpatalbog sa puso ko ng iyong inosente,
malulutong na tawa at halakhak

ang mga damit na yumakap sa iyo
noong ikaw ay nilalamig
o pangporma kapag namamasyal sa mall
o bibisita sa iyong mga tito, tita, lolo’t lola.

Kung saan o kanino mang kamay
sila lumapag at dumapo,
Intoy,
para sa iyo ang unang kislap
ng mga ngiti at busilak nilang pasasalamat.
Tandaan mo, anak,
nang binyagan ka sa chapel sa Sagkahan
noong Bagong Taon ng 2010, malakas ang ulan.
Malakas ang ulan, walang humpay.

9:21AM, Biyernes, 10 August 2012
Angono Tres-Siete (3/7) Poetry Society
Angono, Rizal, Pilipinas

Inilathala ng (https://www.bulatlat.com)

Share This Post