Ni ROLAND B. TOLENTINO
Bulatlat.com
Nagiging standard routine na itong kalakaran: magpapabaya ang gobyerno, iaasa sa at mamamayagpag ang pribadong negosyo (kasama ang iligal na pagmimina’t pagtrotroso, at kalabisan ng real estate developers) ang pagpapaunlad (re: komersyalisasyon) ng infrastruktura at publiko serbisyo, magkakabagyo (kailangang labis ang efekto sa Metro Manila para magkaroon ng pambansang dimensyon ang pagdanas), at matapos, magre-relief operations ang gobyerno at ang pribadong sektor at individual.
Matapos ng relief operations na gumugunita sa—memorialisasyon ng—disaster, magkakaroon ng kolektibong amnesia na ipinapakatuparan ng estado (orkestradong amalgamasyon ng gobyerno at malalaking negosyong nagkakaisa sa interes na pangangamkam ng kita at kapangyarihan), at magpapatuloy na naman ang dating gawi at kalakaran.
Ang panahon ng disaster na pangunahing kalahok ang sentro ay panahon ng pambansang krisis, isang temporal na pagdanas ng kontradiksyon ng estado: sa isang banda, pagkakataon para masilip kung paano ito accountable sa kaganapan ng disaster at ang resulta nitong krisis, at sa kabilang banda, kung paano ito na may malawakan pero nalilikhang abstrakto (walang direktang kaugnayan, maliligwak sa posisyon, mapaparusahan) na sala’t accountability ay makakapag-manage ng post-disaster era, at ang transformasyon ng maysala bilang patron, ng pagkakasala’t guilt bilang redempsyon.
Wala naman siguro pang kokontra sa imahen ng aktibidad ni Noynoy Aquino, kasama ang kanyang senatorial slate para sa 2013 na eleksyon at ang crown jewel ng ABS-CBN media empire, ang kapatid na si Kris Aquino, na ito ay isang epal na sandali. Walang ipinagkaiba sa mga politikong namumudmod ng relief goods na nandoon ang kanilang portrait sa panahon ng post-disaster, o ng mga proyekto na may tarp ng kanilang mukha’t pangalan sa pre-disaster era.
Maging si Noynoy ay may noodles na nakapakete sa plastik na may dilaw na label, kanyang pangalan, at ang dilaw na ribbon. Samakatuwid, politikal ang relief operations, lalo na kapag ito ay isinasakatuparan ng may politikal at ekonomiyang kapangyarihan.
Ang kakatwa, ang politikal na operasyon ng relief operations sa ground level—mga paaralan, edukasyon, media at relihiyosong institusyon, pati na ang tinatawag na civil society—ay nagtataguyod na rin ng pilantropiya ng estado: mga pagtitingi at band-aid na solusyon para sa malawakang problema ng kasiraan at kawalan ng pagkain, tubig, kuryente, bahay, hanapbuhay, kabuhayan, at buhay.
Kung baga sa malalaking negosyo, ito ang sachet economics na nagpapahintulot sa maraming mahihirap na temporal na pagdanas ng gitnang uring gamit, marka, at brand sa kanilang katawan. Ito naman ang sachet philanthropy o tinging kawanggawa, na pumupukaw sa gitnang uring guilt sa hanay nang nakakapagbigay para sa nasalanta ng disaster.
Kung tutuusin ang mga tulong at relief na ipinamumudmod ay hindi kailanman makakatugon sa pangkalahatang pangangailangan ng nasalanta dahil bago pa man ang disaster, ito na ang historikal na pangangailangan—ang sistematikong inetsapwera ng estado—ng mahihirap. Pero ipagpipilitan pa rin ng gitnang uring pagkatao ang efficacy at effectiveness ng kanilang pagtulong—na kahit pa mayroong ganito, at least, nakakatulong pa rin.
Na nagluluwal ng katanungan: sino ba talaga ang natutulungan ng isang pakete ng relief goods (bottled water, noodles, delata, at bigas na pangkalahatang nakuha’t naipapamahagi dahil binili rin mula sa malalaking kumpanya’t distributor)—ang pinagbibigyan (na isang araw na may pagkain ang kanyang pamilya) o ang nagbibigay (na may feel good na sandali na matagal-tagal na mamamayagpag, hanggang sa susunod na disaster at pagkapukaw ng kanyang middle-class guilt)?
Ang nagagawa ng tradisyonal na ground level relief operations ay reifikasyon ng ginagawa ng estado: pagmimintina ng sistema ng pilantropiya na ang historikal na maykaya ay patingi-tinging nakakatulong sa historikal na walang kakayahan; ng sistema ng pagpapatron (patronage) na ang may kakayahan at kapangyarihan ay nakakapamudmod ng kawanggawang pangangailangann sa mahihirap; at ng pribatisasyon ng mismong relief operations sa mga institusyon sa labas ng gobyerno at malalaking negosyo na nagluluwal ng pribatisasyon ng pagtulong sa hanay ng mga individual.
Ito ang tinatawag na “kolektibong individualismo” (Wacky Torres,http://www.facebook.com/notes/wacky-torres/purging-the-cult-of-you-on-relief-efforts/10151033984098964) sa panahon ng relief operations at post-disaster. Sabayang tumutulong sa inisyatiba ng pribadong sektor at kumpas ng gobyerno, pero ang naitatalaga ay ang ethos ng individualismo: na nakakatulong ang sarili sa kapwa, at maganda ang pakiwaring ito dahil ang individual na tumutulong ay ginagawang efisyenteng daluyan ng neoliberalismo.
Na siya mang tumutulong sa antas na nakukumpas ito ng estado, ay maari ring maging daluyan ng iba pang gitnang uring panuntunan: produkto, gadgets, karanasan, serbisyo, aspirasyon, fantasya, at mundo na mas direktang magtataguyod ng kita at kapangyarihan ng estado. Siya na tumutulong ay nakakatulong sa akto ng pagtulong (pagbili ng produkto’t pantulong, pag-repack, pag-distribute), at nagiging efisyenteng laboring body ng estado at kapitalismo.
Ang nagpapaiba, kung gayon, sa tradisyonal at makabuluhang relief operations ay ibinubuyanyang ng huli ang politika ng relief, relief operations, at pagtulong, at korolaryong politika ng historikal ng pangangailangan ng tulong, pagbabago, at pag-asa sa akto ng mismong relief operations at matapos nito. Hindi rin kailangang reaktibo sa post-disaster—na sa paratihang pagkasalanta ay dapat may solidaridad nang nabubuo at mabubuo.
May pangangailangang gawing politikal at i-politicize ang napakalawak na naapektuhan—historikal na naisantabi, komunidad, sektor—ng disaster at ang kasabayang paniningil sa at accountability ng estado rito. Samakatuwid, kailangang gawing politikal at i-politicize ang pagdanas sa disaster sa lahat ng temporal na yugto nito—pre, during at post—dahil ito naman ay may pangkalahatang panlipunan at historikal na pagdanas ng relasyon ng mga naisantabi sa estado.