Ang Kwenta ng Buhay ni Iska

Ni LARA AUSTRIA

1,500.
1,500 kada unit ang matrikula sa UP.
Samantalang 25,
25 kada metro kwadrado
ang upa ng Ayala sa Technohub kada buwan.

600.
600 per unit ang matrikula ni Iska sa STFAP Bracket C.
Samantalang 600,
600 kada araw lang din ang kita ng amang taxi driver
na hahatiin sa pagkain, pamasahe, baon, kuryente, tubig, ng buong pamilya.

400 milyon.
400 milyon ang koleksyon ng UP Diliman sa tuition fee,
halagang ayaw pang karguhin ng gubyerno para malibre ang edukasyon sa UP.
Samantalang 400 milyon,
400 milyon din ang pinagsamang pork barrel ng 2 senador.*

67 araw.
67 araw binuno ni Iska ang unang semestre.
Ang kanyang mga marka, pinamuhunanan ng pawis, puyat, pamasahe, baon.
Para pagka-60 araw pa ay pawalang-saysay lamang lahat,
nang ideklarang hindi siya naka-enrol dahil hindi nakabayad ng matrikula.

10,950.
10,950 ang halagang hindi mabayaran ni Iska ngayong semester,
na katumbas lang din ng isang buwang kita ng UP para sa kalahating pwesto ng Manulife sa Technohub,
na katumbas ng 18 araw na pamamasada ng kanyang ama,
na katumbas lang din ng 2 lechon na pangregalo ng senador sa kasalan.

‘Yan ang kwenta ng buhay ni Iska.

Share This Post

2 Comments - Write a Comment

  1. eye-opener. wonderful poem.

Comments are closed.