Sa Batang Ayaw Pangalanan

Ni Raymund Villanueva
Bulatlat.com

(Para kay Kristel Tejada, 16)

Lumimlim ang araw, ang hangi’y humaligmig
Nang mabalitaan ang iyong pagtawid
Sa kawalang suliranin, sa kabilang daigdig
Iniwa’y mundong panandaliang naantig

Simbilis ng kidlat, sing-tulin ng hagibis
Naghugas-kamay ang mga salarin
Walang kasalanan silang malilinis
Silang buhay mo’y laon nang itinigis

Tulong nila’y sa trabaho’t sweldo’y lampas-lampasan
Anila’y pagpapatiwakal ay kasalanan ng tiwakal
Ang batas ay batas, banta sa sinuman
Lalo’t higit sa mapangaraping kabataan

Kamalas-malasang isinilang kapos-kapalaran
Kay-tayog mangarap, gustong makapagaral
Gayong ama’y lamang-kalye, namamasada lamang
Ina’y maybahay, walang kabuhayan

Tila bagang ika’y nanaginip, batang hangal
Sa eskwelahang tanyag, sumubok, nangahas
“UP Naming Mahal”, pamantasang napakamahal
Unibersidad ng bayan, pilak ang tanghal

Higit na trahedya ng iyong kamatayan
Bago ka pa ilibing, balaking ibaon
Ang iyong dahilan, ang iyong larawan
Ang iyong hiyaw, ang iyong ngalan

Ang ika’y malimot madali nga naman
Kung naisantabi ang iyong katauhan
Hindi biktima ang walang pangalan
Walang alaala ang hindi pinapangalanan (https://www.bulatlat.com)

Share This Post