Ang matuwid na landas ay liku-liko at baku-bako

(Balada ni Jonas Bustos)

ni E. SAN JUAN, Jr.
Bulatlat.com

Habang papunta sa gawing Hacienda Luisita
Niyaya ni Major Harry Baliaga na magpalamig muna
Sa Ever Gotesco ng mapanuksong waytres
Niyakag upang kwentuhan ng nangyari

Kina Sherley Cadapan at Karen Empeno
At ang masuyong Binibining Melissa Roxas
Ngunit sabi ko’y nais kong hanapin, taluntunin
Ang matuwid na landas na makatarunga’t marapat

Sundin iyon hanggang umabot sa Sabah
Kahit liku-liko at baku-bako, walang kailangan
Sumakay sa bangka at itanong sa bangkero
“Magmula sa laot sagad hanggang pampang

Turan mo sa akin ang hampas ng sagwan?”
Ngunit naligaw po kami sa pulong Tubbataha
Di na nakarating sa safe-house ng Ampatuan–
Pinilit tumawid sa daang liku-liko at baku-bako

Patungong EDSA at madugong Mendiola
Kung saan 13 multo’t sina Olalia-Alay-ay ang nag-aabang
Hayun kumakaway si Heneral Palparan
Mula sa Morong at Mindorong di na mapagtaguan

Kung sakaling na-miss ninyo ako’y ipagpatawad
Huwag itanong kay Uncle Sam o sa Abu Sayyaf
Baka hulihin kayo ng mga sirena ni Major Baliaga
Pagkat daang matuwid sadyang napakatinik

Di na naabot ang Luisita’t napadpad sa Atimonan
At nadukot ang nagbalatkayong mutya ng Makiling
Nagkalat ngayon sa daang matuwid ng Malakanyang
Buto’t kalansay ng katarungang desaparecido — Alay-ay! (https://www.bulatlat.com)

Share This Post