Sa Mga Mamamatay Ngayong Tag-ulan

Ni MARK JOSEPH RAFAL
Bulatlat.com

Baunin ninyo ang aking pakikiramay.
Alam kong bago kayo ibulid sa pigtal ng hininga,
Dinanas ninyo ang matinding sakal ng lamig
O narinig ang pinakamalungkot na musika
Ng pag-aasam sa pagtila ng dalamhati.
Alam kong batid ninyong ang kamatayan
at ulan ay may iisang sangandaan.
Kagabi, habang saklob ang paligid
Ng katahimikang likha ng bagyo,
Maaaring nakagapos ang inyong bisig
Sa anak na nanginginig ang labi, o
Sa inang manipis ang butas na kumot:
Ginagahasa tayo ng mga pagkukulang,
Sinisingil sa atin ang mga kasalanang
Hindi tayo ang lumikha.
Sa paanan, payapa ang titig ng baha:
Tumatagos sa talampakan ng aparador,
Bumabaon sa lungga ng mga daga.
Lumulutang ang sinelas na walang kaparis,
Nalulusaw ang diyaryong may petsang hindi
Natin alam. Gaano kalalim ang pang-unawa
Upang makilala ang inyong mga katulad?
Sumisinghal ang inidoro,
Binabawalan kayong mahimbing.
Nangangatal ang patpating puno,
Ninanakawan ng bulas, ng hanging nagtatampisaw
Sa papawirin, at nangangawit ang kapit-kapit na kawad
Ng mga koryenteng naghihintay ng kapalaran.
Bago gumuhit ang kidlat, nalasahan ninyo
Ang lansa ng paligid: may tatlong silinyasi
Ang ipiniprito, habang kumukulo sa mumurahing
Kaldero ang sabaw na magtatawid sa gutom
At nginig. Nababasa nga ba ang panginoon
Sa tuwinang umuulan? Nababasa ba niya
Ang mga inyong panambitan?
Alam ba ng kaniyang pakiramdam ang kamatayan?
Kumulog at umalog ang pundasyon
Ng kinatitirikang tahanan; mas naging mariin
Ang inyong pananalig, na bukas, sakaling huminto
Na ang ulan, babalik ang lahat sa kapayapaan.
Isa pang kulog. Sabay-sabay kayong nilamon
Ng ragasa: naging panginorin sa inyong gunita
Ang katiwasayan. Samantalang pakikiramay
Lamang, at pag-aabang sa tala, ang magagawa
Naming may matibay na bubong sa ulunan.

(https://www.bulatlat.com)

Share This Post