Sa mga guro

Ni Rogelio L. Ordoñez
Bulatlat.com

Ikaw, ikaw na utak-guro
Ay saan nga ba patungo?
Manungaw ka
Sa bintana ng kaluluwa
At butasin ng mga mata
Ang pader ng pagkaaba…
Bawat mansiyon at palasyo’y
Silipin ang mga kuwarto
At matutong mag-atado
Ng bituka’t mga apdo…
Ikaw, ikaw na kasiping ng aklat
Ay dapat mamulat
Sa mga larawang
Sa kuwadro’y nagsugat
Ilang mumong kanin
At ulam na hangin
Ang tinititigan
Ng matang malungkot
Sa mesang lansangan
Ng humpak na pisngi
Butuhang daliri’t
Pudpod na sapatos
Palad na naglintos
Sa pambubusabos
‘Pag iyong nakatas
Ang pait at dusa
Ng patak ng ulan
Sa bubong na pawid
Sahig na kawayan
Sa langis at grasang
Sa mata’y humilam
Sa ugat ng brasong
Kinain ang laman
Sa dugong tumigis
Sa mga lansangan
Sa bundok at parang
Saka malalaman
Ang siklab at alab
Ng isang paglayang
Iyong pupuntahan! (https://www.bulatlat.com)

Binigkas ng may akda ang tula noong Setyembre 27, 2013 sa Parangal para sa Makabayang Guro sa UP Diliman. Si Ordoñez ay isa sa mga 10 gurong binigyan ng parangal ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy o CONTEND.

Share This Post