Ni MARK ANGELES
Bulatlat.com
Sa mapa ng Tarlac, ang Ciudad ning Tarlac
ang puso ng lalawigan; tulad ng Tarlac
na siyang puso ng di-maliparang uwak
na kapatagan ng Gitnang Luzon. Tarlac…
Tarlac na nag-ugat sa Malatarlak—
isang uri ng talahib na tallak; dikut tarlac
na ang uhay ay lampas-tao
at ang sungot ay puno ng abaloryo—
Doon ka nagmula, Kagawad Abel Ladera,
sa Barangay Balete na hugis-lapida;
doon ka tinubuan ng mga sanga,
kumayod sa kabyawan ng Luisita;
doon nagpantay ang iyong mga paa
nang ang puso mo ay butasin ng bala.
Nagbasbas ang dugo mong nadilig
sa lupang binubungkal ng magbubukid.
Parikit kang mula sa baleteng kiniskis
nang muli’t muling maglagablab ang talahib
sa siklab ng proletaryadong pag-ibig.
Note: Abelardo Ladera was a Tarlac City councilor and a known staunch supporter of Hacienda Luisita farmers. On March 3, 2005, he was shot dead by an unidentified gunman. (Read also Abelardo Ladera: The Hero of Luisita )