GUNITA NG SALITA
Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com
Ito ang paghingi ng paumanhin, kapatawaran o pasensya para sa mali–kulang at kalabisan–na nagawa. Maari itong boluntaryong ibinibigay at ipinagkakaloob ng nagkamali’t nakasama sa kapwa. Maari ring napilitan lang, may kailangang protektahan sa sarili sa pakikipagkapwa kaya nagsosori.
Sa may kapangyarihan, mahirap ang pag-sori. Kailangan munang bukongbuko bago ito isapubliko, at least, ng pangulo. Buking na buking na si Gloria Arroyo sa pandaraya sa pambansang eleksyon at sa pagtawag nito sa komisyoner ng ahensya para matiyak ang agwat na nais nito sa pinakamalapit na kalaban.
Halatanghalata na rin ang kakulangan ng serbisyo para sa sinalanta ng bagyong Yolanda kaya nanghingi rin ng sori si Noynoy Aquino. Pero sa umaastang may kapangyarihan, ang pinaghahalawan ng maaring isakategoryang pabalatbunga o performatibong sori ay mula sa entitlement sa posisyon.
Tila sinasaad ng publikong sori, na batay sa publikong oposisyon sa isyu, may pagkakamaling inaako na nakasama sa moral na hibla ng pamamahala. Ang sori ay hango lang sa iminumungkahing “error in judgment,” hindi dahil tunay na may naperwisyo pero dahil sa may paglabag sa imperatibong tawag ng panahon, ang kakulangan ay dahil hindi naging angkop ang tugon.
Ito ang artifice ng kapangyarihan na magsori na hindi naman talaga tinototoo: walang reforma sa sistema ng eleksyon sa bansa, at wala pa ring lubos na pagtugon sa biktima ng Yolanda (na matapos pa nga ng ilang buwan, patuloy pa ring tumataas ang bilang ng natutuklasang patay na labi). Ang sori ay simptomatikong hudyat ng naging introspeksyon ng kapangyarihan, realisasyong nabatid, at ang mas malaking hudyat na “can’t we all get along” at move on na.
Naging gestural na retorika lang ito. Sa may kapangyarihan, matagal at manaka-naka itong dumating, hindi tulad sa ibang bansa na nagre-resign ang mga nahalal at appointee kapag may indiskresyong naganap: may illicit love affair pala, nagkamaling tumanggap nang hindi angkop na regalo, may napaboran sa isang public bidding.
Sa bansa natin, tanggap na na makakapal ang mukha ng may kapangyarihan na hindi ito matitinag sa posisyon. At ang paghingi na nga ng sori ang best scenario, matapos pa ng malawak na disenchantment at protesta. Sa individual na antas, sa edad ng mga social network site, ang sori ay gestural na retorika rin.
Hihingi ng paumanhin ang nilalang (ang “user,” na ang pahiwatig sa lokal na kontexto ay nanggagamit lang o nakapaloob sa kalakarang gamitan o quid pro quo) kapag wala na itong choice kundi mag-sori. Tulad sa may kapangyarihan, kalkulado ang pagsori na kung hindi naman kailangan itong ibigay, hindi ito ipagkakaloob.
Napilitan lang dahil na-ostracize ng isang grupo at komunidad ang nagkamali. Kung hindi naman, ilulusot na lang ang pagkakamali bilang simpleng indiskresyon na wala namang malakihang epekto–walang nasawi, nasaktan, at iba pa–maliban, tulad sa may kapangyarihan, na na-disrupt nito ang moral fiber ng grupo at komunidad.
Inaakala rin ng individual na mayroon siyang ahensya sa pagsori kahit wala naman talaga. Sa kulturang taal, kailangan ay bukal sa loob ang paghingi ng kapatawaran, hindi tulad ng ritualisasyon ng pagkukumpisal na performatibo na lang dahil hindi ipagkakaloob ang temporal na katubusan kung walang akto ng pag-amin na nagkasala at dumudulog sa metapisikal na kapangyarihan para sa nais na kapatawaran.
Sa gitnang uring panuntunan, ang sori ay pagkilala ng transgresyon, trespas at restorasyon ng dekorum at sibilidad. Sa mayoryang mahihirap, may ibang pahiwatig ng paghingi ng sori: pagpakumbaba, pag-abot ng pasalubong, pagtapik sa balikat, pag-ayang sumama sa inuman, at iba pa. Hindi na kailangang sabihin ang sori dahil mas kailangan itong iparamdam, na may pagkilala na panahon lang ang makakapagsabi kung wagas ang sori, at kung ito ay tutumbasan ng kapatawaran.
Sa instant-mami world ng Facebook, ang gratifikasyon ay nasa ngayon. Walang ibang panahon para magsori at tanggapin ito kundi ang sa kasalukuyan lang. Walang panahon sa proseso ng pagsori: pagninilay, pagbubukas ng loob, pagpapakumbaba, pagpenitensya, pagbabagong-loob, pag-iingat na hindi na muli itong mauulit.
Kaya madali dahil mabilis, kaya rin walang aray. Walang lalim kaya walang pagbabago at walang mababago. Quits lang kaysa katubusan ng kapatawaran. Let’s get it on (again) and let’s move on kahit nga wala nang balak pang mag-move on. Quits na lang talaga. Masabi lang na ang nagsori ang may moral upperhand sa naging usapan.
Si Roland B. Tolentino ay faculty sa UP College of Mass Communication at kasapi ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP). Para sa komentaryo, maaring mag-email sa roland.tolentino@gmail.com.