a
Published on Mar 22, 2014
Last Updated on Aug 18, 2014 at 2:36 pm

Ni MA. CECILIA DE LA ROSA
Bulatlat.com

Kay palad mo, bunso
Iluluwal kita sa ibang mundo
Dito, bunso, ay may sahig
Dito’y may kapiraso tayong banig
Iiri ako, humilab ka nang humilab
Iiiri kita, bunso, sa liwanag.

Kay palad mong di tulad
Ng kuyang namayapa
Inulan at inaraw
Sa gilid ng kalsada
Sa durog na kartong
Sapin sa bahay naming kariton.

Di mo mararanasang
Umiyak sa lansangan
Tulad ng ate mong
Doon na nagkagulang
Anong swerte ito’t
Sa bahay ka isisilang!

Di ko nga lang, bunso,
Batid kung hanggang kailan
Pagkat itong ating dampa’y
Pamanang pinaglumaan
Ang may-ari kasi nito’y
Tinaboy lang sa Montalban!

‘Wag na nating antayin si Papa
Naghahabol pa siya ng delihensya
Ang ate mo nama’y
Kanina pa nagbabantay
Mananakbo sakaling
Tayo’y mag-agaw-buhay.

Sige bunso, lumaban, humilab
Di tayo dapat nagsasayang ng oras
Pagkat maya-maya lamang
Magbabalik-hinagap
Ipagbubuntis ko pa
Ang ating mga pangarap.

Si Ma. Cecilia de la Rosa o Maki ay isang ina at isang hamak na mangingibig ng tula. Kasapi siya ng Kataga, samahang nagtataguyod ng Panitikang Pilipino.

(https://www.bulatlat.com)

SUPPORT BULATLAT.

BE A PATRON.

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

Ads

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This