Sinementong tahanan

Ni JOMAR GONZALES ADAYA
Bulatlat.com

umatake ang mga makina
doon sa dagat
ng mga kalawanging
yerong silungan ng mga
panis na pangarap:

walang palag ang sahig
sa pagkayod ng kamay
ng backhoe: may hinuhukay
walang imik ang pader
sa pagngasab ng pangil
ng buldoser: may ginigiba
walang reklamo ang lupa
sa paggulong ng solidong
pison: may pinapatag

at wala nga talagang nagawa:
ang hinukay
ang pinatag
ang giniba,
hindi nagtagal,
unti-unting sinakop
ng semento’t
graba ang kanilang
mga kaluluwa
walang sinanto
ang gumigiling
na makinang nagsusuka
ng pururot na taeng
ang pagtigas ay
basehan ng modernidad

pinalapad nang pinalapad
ang daan, ito kasi ang
kahulugan ng kaunlaran
samantala,
nagbabadya ang salita
nilang minanhid
ang katawan upang
maagawan ng puwang
sa lupang walang laya

masisimot ng salimuot:
mga ngitngit at poot,
ang gasolina ng mga makina
hanggang kalsada’y
lumambot, magusot
gigibain ang paglimot

pagkat doon
sa pusod ng mga
binakurang espasyo
sa gitna ng
lansangang kinongkreto
nakabaon ang ugat
ng kanilang pagkatao

ang pananahimik nila’y
pag-iingay ng dibdib
para sa mas malakas
na pagkalampag sa isip

at doon
sa sinementong tahanan
naghahanda
ang pagtatayo
ng haliging
pinalitadahan
ng mga daing
para sa kalayaan

Nagtapos ng AB Filipinology at MA Filipino sa PUP Sta Mesa si Jomar Gonzales Adaya. Lumaki sa likod ng bakod na rehas ng Electoral Tribunal sa Batasan Hills, kasalukuyang titser siya sa Departamento ng Filipinolohiya sa PUP.

(https://www.bulatlat.com)

Share This Post