Siga ng hukbo

ni MARK ANGELES
Bulatlat.com

Umaakyat ang mga kuwitib
sa mga punungkahoy.

Pasikut-sikot sa mga sanga
ang mga alitaptap at gamu-gamo.

Yumuyuko ang mga duklay
sa mga dahon naluluoy

at nariyan ang lupa,
nag-aatang ng kamay.

Sumisikat ang araw
sa pusod ng kagubatan.

Dahil naririto tayong
mga mandirigma ng bayan.

Hinahawi natin ang sukal
sa mga lugar na ilang.

Bandilang may kamaso
ang siyang inaalampay.

Nakangiti sa atin ang masa
sa mga lungsod at parang.

Tres otso ang panukat
kaya tiwala ang karamihan.

Itaas ang armas,
siga ng digmang-bayan—

silakbo ng hangaring
pataubin ang kaaway.

Unti-unting mag-upak
ng makukunat na balat.

Puno mang matayog
nakakayanang ibuwal.

Gawin nating panggatong
ang ilang taong pagsisikhay.

Sigaan natin ang pag-asa
hanggang sa magtagumpay

Si Mark Angeles ay naging kinatawan ng Pilipinas sa International Writing Program sa University of Iowa, USA noong 2013. Dating vice president for Luzon ng College Editors Guild of the Philippines. Siya ay tumatayong poetry section editor ng Bulatlat.com. Kolumnista rin siya sa Pinoy Weekly.

Share This Post