Rice smuggling

ni Daniel Victor Dumanhog
Bulatlat.com

Kalahating kilong bigas ang pagkakasyahin
para sa isang buong maghapon.
Sa kalderong mauling,
kakainin kahit na ang tutong.

Gamit ang marungis na kamay na pansubo sa bibig,
sisimutin ang pinggan hanggang sa ito ay masaid
ng isang pamilyang sa pagkain ay uhaw,
mapagtyatyagaan na maski ang kaning bahaw.

Na kapag walang laman ang hapag
ay mangangalkal ng basura’t magbabakasakaling
makabingwit ng pagpag.

Kahit na panis.
Kahit pa inaamag.

Silang ang bawat butil ng bigas ay tinuturing nilang ginto,
mula sa mga magsasakang pangdilig sa lupa ay dugo.

At sino kayong mga gahamang kontrabandista
na nagpupuslit ng bigas?
Hindi niyo ba alam na maraming nagugutom sa Pilipinas?

Ayon kay Daniel Victor U. Dumanhog, nagpapanggap siyang manunulat kahit hindi naman bagay. Ipinanganak siya sa Lungsod ng Quezon pero lumaki sa Bulacan. Namulat sa lansangan at patuloy na nakikipagbuno sa abnormal nating lipunan.

Share This Post