Batang kalabaw

Ni JESSIE RAYMUNDO
Bulatlat.com

tirik ang haring araw
tumatagaktak ang pawis sa lahat ng singit ng kanyang katawan
dama niya ang init na tila apoy na tumutunaw ng laman
ngunit di ito alintana ng kanyang murang isipan

binuhat,
ang dalawang berdeng baldeng puno ng tubig alat
binuhat,
nadama niya ang matinding bigat sa kanyang mga balikat
binuhat,
ang kanyang mga ugat ay nagsibakat
binuhat,
habang ang kanyang mata’y bahagyang nakadilat
binuhat,
kapalit ng singkong kulang pa’ng pambili ng pantalon
binuhat,
kapalit ng singkong pangkain maghapon
binuhat,
kapalit ng singkong pantawid gutom
binuhat,
kapalit ng singkong dala ang pag-asang
makakapag-aral na sa susunod na taon (https://www.bulatlat.com)

Si Jessie Raymundo ay manunulat sa The Warden, ang opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa. Kasalukuyang syang nag-aaral ng Bachelor of Secondary Education sa nasabing pamantasan. 

Share This Post

One Comment - Write a Comment

Comments are closed.