Aratiles, Duhat, Sineguelas

Batang paslit tuwang tuwa sa pagsungkit
Nitong aratiles na likas ang tamis
Mumunting mga prutas dulot ay pag-asa
Gutom ng musmos naibsang bahagya

Isang kaligayahan na makabalibag’ ng sineguelas
Manamis-namis na may asim, kapag nalasahan
Titipunin sa sisidlan ng binaligtad na kasuotan
Tagaktak ng pawis ang tumbas ay kasipagan

Sa maitim na kulay ng duhat, walang pag-aalinlangan
Damit man ay mamantsahan basta’ makapuno lang
Isang tabo ng kaligayahan higit pa sa lubusan
Aakyatin ang puno, iyuyugyog ang mga sanga.

Mga prutas ng kamusmusan ginunita sa kasabikan
Mga puno nila ay nasasaid na sa kaparangan
Sineguelas at duhat sa talipapa bihirang makita
Kung may salapi ka, matitikman mo ang lasa

Lupang mataba tinakluban ng semento
Puno ng aratiles hindi na lalago
Lumisan ang mga ibon na magkakalat ng buto
Mga bunga ng kawalan sa kamalayan tutubo…

Ni Rommel Pipoy Linatoc*
(https://www.bulatlat.com)

*Si Rommel Pipoy Linatoc ay isang ecumenical development worker, guro, mananaliksik, mandudula at Migrante.

Share This Post

3 Comments - Write a Comment

  1. Winn,
    Ang iyong komentrayo ay tunay na nagpaaalab at nagpaniningning sa esensiya ng maliit at malaking sigaw ng kamusmusan(Aratiles, Sineguelas, at Duhat. Ang ating kamusmusang ay binilahura ng maling konsepto ng kaunlaran. Sa balukyot na pananaw ng mga nais na magsamantala, ang kalikasan ay kanilang dinudurog para sa kanilang sariling kapakanan. Ang kamusmusan at kalikasan ay marapat alagaan. Kapag nawala na ang kalikasan, magiging parang makina na ang mga kabataan sa digta ng komersyalisasyon….Kaya patuloy nating bigyang buhay ang KALIKASAN para sa sambayanan. Palayain ang kamumusan sa kuko ng mga mapanlinlang na buwitre…

  2. Rommel, salamat sa iyong pagtatanggol sa kalikasan.
    Nakakatuwang alalahanin ang malayang pakikipaglaro sa mga puno ng aratiles, duhat, at sineguelas ng nakalipas na mga taon. Nakakalungkot ang bulagta ng modernong panahon, silang lahat ay tilang tahimik na yumao. Sa Cavite man o sa Ilocos, duhat at sineguelas ay naghihingalong mabuhay. Nakapanghihinayang na ang kabataan ng kinabukasan ay ninakawan ng kaligayahang kalikasan lang ang makakapagbigay. Ganoon na lang ang paggahasa ng tao sa kanayunan at sa kalunsuran.
    Samantala, ang paborito kong aratiles at mabolo ay winasak ng pagpapaluwag ng sementadong kalsada sa Taft Avenue.
    Ano ang tinatawag na pag-unlad kung ang mga halaman, puno, insekto, at hayup ng kalikasan ay kinakatay ng walang pakungdangan sa hinaharap.
    Ano ang tantiya mong magpapasigla sa kilusan ng pagtatanggol sa kalikasan? Saan ito patungo?

Comments are closed.