Ni RENE BOY ABIVA
Narinig ni Asyong sa radyo:
tumaas na naman po
ang presyo ng mga sumusunod
at t’yak aaray ang inyong mga bulsa
at kukunot ang inyong mga pawisin
at makikintab na noo.
Tumaas kangina lamang umaga
ang matrikula
ang bigas
ang gasolina
ang tinapay
ang sigarilyo
ang galunggong
ang pamasahe
ang sardinas
ang asukal
ang karne
ang tubig
ang kuryente
ang sabon
ang shampoo
ang pestisidyo
ang abono
ang lahat-lahat sa merkado
‘ika ng gobyerno’y ‘ala ‘tong magagawa
kundi sumunod sa batas ng pandaigdigang pamilihan
Naisip ni Asyong ang kanilang abang kalagayan,
limang taong kontraktwal sa pagawaan ng tsinelas
ang kanyang Ate at Kuya
kulang ‘sang dekadang labandera ang kanyang Ina
at dalawang taong street sweeper naman ang kanyang Ama.
Mababa ang sahod
maraming kaltas
kayat ang bunga ng paggawa sa ‘sang linggo’y
sapat lang upang bumuhay ng aso.
At buti pa noon ‘ika nila
nang ‘sang gabing magkakaharap sila
sa gegewang-gewang nilang hapag kainan,
“na kung ika’y kakahig noon ng isa
t’yak ika’y may matutuka
eh ngayon, sampung kahig ka na
alanganin pang ika’y may matuka.”
Nag-isip-isip ang kanyang Ama
balak n’yang bumalik at magsaka na lamang
sa kanilang Nayon, sa may Santa Barbara
kaso, nang maka-usap n’ya ang kanyang bunsong kapatid,
aba’y ‘ala na pala ang kanilang kapiranggot na lupa
inangkin na pala ito ng mga Intsik
pinalayas ang mga gaya nilang magbubukid
at paglao’y tinayuan ng mga dambuhalang Mall
ang bukiring dati’y nagkukulay ginto t’wing anihan.
Nalungkot ang Ama ni Asyong,
at ‘lang gabing ‘di ito nakakatulog
waring mababaliw ito
gayundin ang kanyang Ina
hanggang sa ‘sang araw,
nagiba ang paghahari ng panglaw
nang may ipabatid ang ‘sang grupo ng mga kabataan
na may malaking welgang magaganap
mananawagan daw ang mga maralita, manggagawa
magsasaka at kabataan
na gawing makamasa ang halaga ng mga kalakal
nang araw din na yao’y ‘alang kimi-kimi
dagling napa-‘oo’ ang Ama ni Asyong
waring ‘to na ang matagal n’yang hinihintay na kasagutan
“sasama ako sa gaya kong aba,
‘di lang naman ako ang magpoprotesta eh
sasama din naman sina Kumareng Maria at Belen,
gayundin si Kumpareng Boy at Atong
t’yak iisa ang dahilan namin
iisa ang dahilan namin.”
‘ika nito sa sarili.
Araw na ng welga at nagpaalam s’ya sa kanyang pamilya
iginayak ng kanyang payat at ‘ala ng dibdib na asawa
ang kanyang bag
na may lamang maliit na ‘sang tuwalya, dalawang damit
at maingat na ibinalot sa selopin
ang tirang kaning lamig at ‘sang piraso ng tuyo,
waring sasabak sa ‘sang malayong paglalakbay at digmaan
bago n’ya lisanin ang kanilang barung-barong
ay hinalikan n’ya muna ang kanyang kabiyak
pagkatapos ay humakbang s’ya pasulong
naglakad papalapit sa nagngangalit na bulto
ng anak-pawis.
Kinagabiha’y maaga s’yang nakauwi
hapung-hapo matapos ang maghapong pagmamartsa
naupo sa harap ng nakatiwangwang na hapag kainan
at dagli naman s’yang tinabihan
ng kanyang kakatapos maglabang asawa
na noo’y basang-basa pa ang daster na suot
“ano ang resulta ng welga?” ‘ika nito,
“abay sa dami namin kangina’y t’yak diringgin ng mga opisyal
ang aming mga kahilingan
sa susunod pala na buwan ay may welgang magaganap na naman
dadalo muli ako doon.”
“ganun ba? Basta mag-iingat ka. ‘Lam mo naming mainit ang gobyero ngayon
laban sa mga Kaliwa,” mahinahong payo nito.
Maya-maya’y kumahol ang aso ng kanilang kapitbahay
galit na galit ‘to’t nais kumawala sa kanyang tanikala
maya-maya’y pumiyok ‘to na waring hinampas ng matigas na bagay
at biglang umaligawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril.
Praaaaakkkkkkk!
Nangamoy pulbura ang hangin
habang sa masikip na mga eskinita’y nangagsipagtakbuhan
ang pulutong ng mga tambay
pauwi na noon ang mga magkakapatid
at naging palaisipan sa kanila kung bakit nagmumula sa kanilang barung-barong
ang mga nangagsipagtakbuhan,
dagli silang lumapit at tumambad sa kanilang paningin
ang tahanan nilang tinadtad ng bala,
butas-butas at may mga patak ng dugo
pumasok ang tatlo at nagulat sila sa kanilang nakita
magkayakap ang ‘ala nang buhay nilang Ama at Ina
sa gilid ng lamesa’y may naka-ipit na palara
na markado ng mga salitang:
“mga suporter ng mga teroristang NPA, ubusin!”
Napaluhod ang magkakapatid
ang ‘sang balot ng pansit ay halos sumabog
sa higpit ng pagkakakuyom ng palad ni Asyong
gayundin ang kanyang mga kapatid
hanggang ‘sang araw sila’y naglaho
at ‘di na sila muling nakita pa sa iskwater na yaon
hanggang sa isang araw…
nakita s’yang ‘asa tuktok ng ‘sang dyip
nagsasalita, sumisigaw at nang-uupat
“ang aktibismo ay ‘di terorismo…
patuloy tayong nililinlang at inaapi ng iilan
kaya’t panahon na! panahon na!
upang ang mga gaya nating anakpawis
ay magkusot ng mata
at patibayin higit ang ating hanay.
Imperyalismo, ibagsak!
Burukrata Kapitalismo, Ibagsak!
Pyudalismo, Ibagsak!”
At sa t’wing ‘asa ibabaw s’ya ng dyip
sa katirikan ng araw ay kanyang nakikita
ang imahe ng kanyang
yumaong Ama at Ina na nakahalo
sa naghihimagsik na dagat at bulto ng mga api.
Ang may akda ay dating bilanggong pulitikal. nakulong ng kulang limang taon sa Ifugao sa kasong 12 bilang ng pagpatay.