Organisasyon

PALIPARANG HONG KONG, Tsina – Sa loob ng ilang oras, darating na ang eroplanong pabalik ng Maynila. Sa wakas, matutuwa na ang mga “pinagkakautangan” ko.

Huwag po kayong mag-alala. Hindi po ito usapin ng pera. May mga utang po kasi akong artikulo, pahayag, interbyu, lektyur, seminar-workshop at kung ano-ano pa sa mga susunod na araw, buwan at linggo. Bagama’t maraming oras na kakainin ang mga ito, gusto kong isiping may oras naman para magpahinga.

Muli, huwag po kayong mag-alala. Hindi po ito sanaysay ng pagrereklamo. Wala akong panahon para sa ganyang diskurso. Isipin na lang nating ito ay paglalahad ng isang paksang totoo: Matagal na akong nagdesisyong magkaroon ng maraming organisasyon.

Ikaw, ano ang pipiliin mo? Indibidwalisado o organisado? Panahon nang magdesisyon ang mga tao.

Alam nating lahat na may indibidwal na pagkilos at may organisadong pagkilos. Bagama’t nasa ating lahat ang huling desisyon, iba pa rin ang bentahe ng pagkakaroon ng grupo kumpara sa sariling larga. Una, maraming ideyang makukuha kung higit pa sa isa ang gumagawa. Ikalawa, mas maraming maniniwala kung organisasyon ang maglalahad ng isang panawagan. Ikatlo, pinakamaraming mapapakilos ang isang organisasyong may malawak na sumusuporta, kabilang ka.

Opo, mahalaga rin naman ang ilang indibidwal na personaheng handang maging mukha at boses ng isang ipinaglalaban. Pero bale-wala ang kanilang personal na inisyatiba kung wala namang susuporta, at dito nagiging susing salik (key factor) ang isang makinarya.

Ano kaya ang nangyari kay Andres Bonifacio kung siya lang ang nagpunit ng sedula sa Pugadlawin? May pagkilos pa kaya laban sa mga Kastila kung wala ang Katipunan? Gayundin ang kaso sa kasalukuyang panahon. Ang mga pagkilos na nagpatalsik sa mga tiwaling Pangulo ng Pilipinas noong 1986 at 2001 ay dahil sa iba’t ibang organisasyong nanindigan laban sa diktadura, korupsyon at iba pang maiiinit na isyu.

Hindi natin minamaliit ang indibidwal na kontribusyon pero may limitasyon kasi ito. Bagama’t mahalagang naglalaan ng mukha at boses sa isang ipinaglalaban ang ordinaryong mamamayan tulad natin, hindi masyadong nakikita ang malawakang suporta dahil sa kawalan ng makinarya. Opo, paminsan-minsa’y may indibidwal na nangingibabaw at nagkakaroon ng impluwensya pero ito ay kakaunti at hindi pangmatagalan.

Huwag sana nating sukatin ang anumang “suporta” sa indibidwal sa dami ng “likes,” “shares” at komento sa isang social media platform tulad ng Facebook. Ang socmed metrics na libo-libo, pati na ang “followers” na milyon-milyon, ay hindi indikasyon ng realidad sa lipunan. Puwede mo pa ngang sabihing simpleng numero lang ang mga ito na nagpapalaki ng indibidwal na ego!

Organisasyon pa rin ang susi sa matagalang kampanya at tuloy-tuloy na pagkilos. Hindi tuloy nakakagulat na sa panahon ang globalisasyon, ang pilit na isinusulong ng mga nasa kapangyarihan ay ang indibidwalismo. Mas ipinapakita ang positibong katangian ng pagkakaroon diumano ng sariling identidad, sariling desisyon at sariling pagtatakda ng kasaysayan. Kumbaga sa wikang Ingles, “Only you can make a difference.” Kahit sa mga patalastas ng malalaking negosyo, ipinapangalandakan ang iisa kumpara sa marami pa sa pamamagitan ng pagbibigay-pugay sa mga indibidwal sa kapangyarihan niyang bumili ayon lamang sa kanyang nais.

Nasa interes ng mga negosyante ang indibidwal na konsumerismo dahil dito nakasalalay ang kanilang tubo. Nasa interes ng mga nassa kapangyarihan ang pokus sa indibidwal dahil napapahina nito ang organisadong pagkilos.

Kung ganito ang kaso, paano natin maipapaliwanag ang sitwasyong may pinapaboran din namang mga organisasyon ang mga nasa kapangyarihan? Hindi ba’t napakaraming kilusan sa kasalukuyan tulad ng pagsusulong ng pederalismo at pagbabago ng Konstitusyon? Sa ganitong konteksto, mali ba ang ating argumento?

Hindi po. Pakitang-tao lang ito. Wala namang pangmatagalang layunin ang mga ganitong klaseng organisasyon kundi suportahan ang gobyerno sa kabila ng mga kakulangan nito. Madalas na hindi malinaw ang direksyon nila at ang tanging alam lang ng mga miyembro ay kung ano ang panawagan. Halimbawa, “Isulong ang Pederalismo.” Pero bakit ba ito dapat isulong? Ano ba ang diumanong bentahe nito? Hindi na mahalaga para sa gobyerno ang pagpapaliwanag dahil ang mas binibigyang-pansin lang nila ay ang indibidwal na numero. Sa madaling salita, ginagamit nila ang organisasyon para sa pagpapalawak kahit na hindi ito nagbubunga ng pagpapalalim.

Mababaw na pagpapalawak. Ganito ginagamit ng mga nasa kapangyarihan ang organisasyon. Napagtatakpan nila ang pagkiling sa indibidwalismo at ang pagpigil nila sa organisadong pagkilos. Panahon nang labanan ang ganitong perspektiba at piliin natin ang pagiging organisado.

Indibidwal pa rin naman ang mapagpasya. Pero ang kinakailangan ng lipunan ay ang pagkilos tungo sa pagiging organisado.

Sa aking biyahe pabalik sa Pilipinas, nag-iisa lang ako. Pero may intensyon akong ipagpatuloy ang pakiiisa sa mas marami pa. Inaasahan ko ang iyong pagsama. Salamat po sa pagbabasa.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

Share This Post