Ang sining ng oportunismo tulad ng sining ng realismo ay pagtatanghal ng tunay at pang-araw-araw na buhay. Ang pagtatanghal ng sining ng oportunismo ay pag-akda at reproduksiyon ng pasismo. Isang hamon ito sa mga artista at manunulat upang lubayan ang rebisyonismong pangkasaysayan at kamangmangan.
Ni ABET UMIL
Bulatlat.com
Nagagamit ni Brillante Mendoza ang kasikatan niya bilang direktor at tagaakda ng pelikula para sa pasista. Ganito ang kinalabasan ng layunin ng sining sa pelikulang “Mindanao”. Maaalalang dinirek ni Mendoza ang SONA noong 2017. Sumunod sa kanya si Joyce Bernal noong 2019. Kilala rin si Mendoza sa mga pelikulang nagpapakita ng mga eksena ng labis na kahirapan ngunit may mahinang motibo ng pag-unlad, o poverty porn.
Ang paglulugar ng mga direktor na ito ng kanilang sining para sa iilang nang-aapi sa masa ng sambayanan ay hindi naiiba sa suporta ng oligarkiya para kay Duterte.
Balitang balita ang mga pag-absuwelto ng Ombudsman sa ilalim ng administrasyong Duterte sa kaso nina Gloria Arroyo, Imelda Marcos at iba pang kinasuhan ng pandarambong. Rebisyonismong pangkasaysayan ang hahantungan nito ayon sa mga kritiko.
Naka-off ang critical thinking ni Judy Ann Santos nang sumama siya sa proyektong pampelikulang Mindanao? Mas nangangailangan ng kasikatan at proyekto kaysa kanya ang mga dating aktor ng nakaraang dekada na kinokontrata ng Channel 2 ABS CBN sa teleserye.
Sa biyahe ng presidente sa Japan noong Mayo 2019, sinamahan ng ilang personalidad ng showbiz habang tinotokhang ang mga: hinahinalang adik, small time pusher; pinagkakaitan ng sakahan ang magsasaka; tahanan ang maralitang tagalungsod. Kung kaya, pinuna ito ng mga netizen. Dahil dito, matatandaang isinumpa ni Philip Salvador ang mga kritiko ni Duterte,“mamatay kayong lahat!” Takbo ng utak na ripleksyon ng pasismo.
Totoo ang sumpa ni Salvador, parami nang parami ang mga pinapatay na aktibista, at iba pang naninindigan sa pagpuna sa lihis na pangangasiwa ng nasa sentro ng kapangyarihan. Masugid din ang suporta sa kanila ng mga mangmang sa isyung panlipunan.
Sila ang mga aktor, direktor na gumagamit ng kanilang kasikatan, pagganap at pag-akda ng mga tauhang pampelikula bilang bituin ng iskrin para sa pasista kapalit ng pera upang mantinihin ang pagbubuhay-sikát. Ipinagtanggol agad sila ni Robin Padilla.
May base ng mga aktor na may nakaraan at kasalukuyang kontrata sa Channel 2 ang pasismo. Hayag ang suporta nila kay Duterte. Sa kampanyang elektoral pa lamang, alam ng bayang hati sa tradisyonal at progresibong politika ang hanay ng mga aktor sa ABS CBN. Kamakailan lamang inulit ni Duterte ang strong arm tactic nito upang hindi i-renew ang franchise ng ABS CBN sa darating na Marso 2020.
Sakaling matuloy ang hindi pag-renew sa prangkisa ng ABS CBN, nakaumang na ang pabor sa media sector ng Udenna Corporation, entidad ng negosyo ni Dennis Uy, sinasabing isa sa mga donor sa kampanyang elektoral ni Duterte noong 2016.
May transaksyon sa China Telecommunication Corporation ang Udenna Corporation. Hindi malayong posibilidad kung gayon na ang Udenna ay Trojan Horse ng China, ang bagong litaw na imperyalista, sa pop culture ng Pilipinas.
Lumang isyu na ang oportunismo sa hanay ng mga artista, manunulat para sa imperyalismo at diktador. Ingat na ingat nga lang pag-usapan ang ganitong bagay sa hanay ng mga artista dahil na rin sa dalumat na “for art’s sake”. Bagaman resolbado na ang ganitong paimbabaw na oryentasyon sa sining at panitikan noong dekada 30 pa lamang.
Noong pananakop ng imperyalismong US, itinala ni Virgilio S Almario sa libro niyang “Balagtasismo Versus Modernismo” (1984) ang panlulumo ng mga manunulat dahil sa pagsuko ng gabinete ni Aguinaldo sa imperyalismong US.
Sa pelikulang “Ang Larawan” (2017), salin ng “A Portrait of the Artist as Filipino” (1950), dula ni Nick Joaquin, isang ekesena ang naglalahad sa dilemma ng isang makata na naging burukata ng kolonyal na gobyerno. Malungkot ang pag-amin ng karakter sa paninikluhod sa kapangyarihan ng mananakop sa kontemporanyo niyang karakter ng pintor at pamilya nito. Tema rin ang pagiging burukrata ng makata sa isang tula ni Almario. Isang grupo ng manunulat sa Ingles, ang tinukoy ni Bienvenido Lumbera sa artikulo niyang lumabas sa Diliman Review noong 1984, bilang mga pasuwelduhin ng diktador.
Si Almario mismo ay lalantad noong 1986 sa kanyang kolum sa Daily Express, broad sheet na itinatag noong martial law, bilang supporter ng diktador.
Walang kuwestyon sa husay ng kanilang pag-akda ng pelikula, tauhan, sining at panitikan. Ngunit ang palaging tanong sa ganitong problema ay para kanino ang pakinabang sa sining at tindig ng umaakda ng ganitong uri ng sining? Ano ang silbi ng mga ito sa lipunan?
Gayon man, hindi ang mga tipo ng sining, panitikan, artista at manunulat na ito ang minomodelo ng lipunan, pagtatatag ng pambansang identidad at pagkamakabayan. Alam na ng di mabilang na henerasyon ng mga grumadweyt na estudyante ang uri ng manunulat sa Kilusang Propaganda nina Marcelo H. del Pilar, Jose Rizal at iba pa, El Folk-lore Filipino ni Isabelo delos Reyes. Nobelang “Banaag at Sikat” ni Lope K. Santos, “Pinaglahuan” ni Faustino Aguilar. Ang “Bayan Ko” nina Jose Corazon de Jesus at Constancio de Guzman.
Sina Amado V. Hernandez, National Artist (1973) at Clodualdo del Mundo, scriptwriter ay naggerilya noong WW2. Nalalaman din ng mga ganitong uri ng artista at manunulat ang konteksto ng lipunang Pilipino at kalubusan ng pag-akda ng sambayanan.
Kahanga-hanga rin ang tapang nina Janine Gutierrez at Jasmine Curtis-Smith sa pagpapahayag ng kanilang pananaw kaugnay ng pagbalik ni Sen. Bong Revilla sa telebisyon, sa pamamagitan ng isang programa ng GMA 7.
Ang pag-akda ng mga oportunista ng kanilang sining ay mabuting diskurso kaysa mapagbantang trolling ng mga DDS sa social media. Di hamak na mas malusog kaysa tokhang. Gayon man, ang pag-akda ng sining ng oportunista ay hindi garantisadong labas sa resulta ng pag-aaral na tumukoy sa online Pilipino bilang ika-3 sa mga pinakamangmang pagdating sa usaping panlipunan.
Ang sining ng oportunismo tulad ng sining ng realismo ay pagtatanghal ng tunay at pang-araw-araw na buhay. Ang pagtatanghal ng sining ng oportunismo ay pag-akda at reproduksiyon ng pasismo. Isang hamon ito sa mga artista at manunulat upang lubayan ang rebisyonismong pangkasaysayan at kamangmangan.
*Ang may-akda ay guro sa Filipino sa Polytechnic University of the Philippines.