Para sa batang ayaw mag-aral

Kumusta ka? May ginagawa ka ba?

Puwede ba tayong mag-usap? Mabilis lang.

Kung nababasa mo ito, alam mo na ang A, B, C. Kaya mo rin ba ang 1, 2, 3? Oo naman.

Magaling! Kaya mo nang magbasa. Kaya mo nang magbilang. Mabuti naman.

Kaya mo na bang magsulat? Oo naman.

Marami ka pang dapat pag-aralan. Marami kang binabasa. Marami kang binibilang. Marami kang sinusulat.

Pagod ka na ba? Magpahinga ka muna. May oras para mag-aral. May oras din para sa iba pa.

Ano ba ang gusto mong gawin? Kumain? Matulog? Maglaro? Kailangan ng katawan mo ang mga ito.

Masaya talagang kumain, matulog o maglaro. Nagagawa mo ang mga gusto mo. Nakakakain ka ng paborito mong meryenda. Nakakatulog ka nang matagal. Nakakapaglaro ka kasama si Ate o Kuya.

Mas gusto mo bang kumain, matulog o maglaro? Ayaw mo bang mag-aral? Huwag naman sana.

Mahalaga ang pag-aaral. Nakakabusog sa tiyan ang paborito mong meryenda, hindi ba? Nakakabusog naman sa utak ang pag-aaral. Marami tayong nalalaman sa paggamit ng mata, tainga, ilong, kamay at iba pang bahagi ng katawan.

Ginagamit mo ang mata sa pagbabasa. Ginagamit mo ang tainga para makarinig. Ginagamit mo ang ilong para makaamoy. Ginagamit mo ang kamay para makaramdam.

Mahalaga ang nilalaman ng modyul mo. Mahalaga rin ang nalalaman sa loob at labas ng bahay. Kailangang mag-aral dahil mahalaga ang buhay.

Ang pag-aaral ay parang paglalaro. Marami kang puwedeng gawin para matuto. Minsan, kailangan mo lang obserbahan ang paligid mo.

Napansin mo bang maraming langgam na nagbubuhat ng bagay na mas malaki pa sa kanila? Sama-sama sila, hindi ba? Parang pamilya mo rin ang mga langgam. Sama-sama kayong nagtutulungan sa loob ng bahay. Nagtatrabaho sina Nanay at Tatay para maibigay ang mga kailangan mo. Nagwawalis ka ba paminsan-minsan? Sana naman. Pero kahit hindi, nagiging masaya naman sina Nanay at Tatay kung nag-aaral ka nang mabuti.

Ipagpatuloy mo lang ang pag-aaral mo. Gamitin ang mata, tainga, ilong, kamay at iba pang bahagi ng katawan para mag-aral at maglaro. Kumain at matulog nang tama.

Sa paglaki mo, magiging mabuti kang tao. Alam mo kasi ang nangyayari sa paligid mo.

Kaya mo iyan. Mahal na mahal ka nina Nanay, Tatay, Ate, Kuya at iba pang kasama mo sa bahay. Sa paglaki mo, magiging mas marami pa ang kasama mo. Sama-sama kayong mag-aral.

Tapos na ang ating pag-uusap. Salamat sa pagbabasa. Mabuhay ka!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

Share This Post