Mahigit isang taon akong “nawala.”
Huminto ako sa regular na pagsusulat para sa Pinoy Weekly noong Enero 2020. Nakabalik lang ngayong Nobyembre 2021. Ano ba’ng nangyari sa akin? Marami.
Naging abala sa maraming trabaho sa akademya’t midya, lalo na sa pagtuturo’t pamamatnugot (editing). Nahila sa maraming pambansang kampanya, lalo na sa mga usapin ng batayang kalayaan at halalan. Dumami ang pagbibigay ng mga pampublikong panayam, bukod pa sa pagiging hurado sa maraming paligsahan. Pinilit isulat ang doktoradong disertasyon. Sinubukang maging responsableng asawa’t ama. Tumulong na ihanda ang anak sa pagpasok sa mababang paaralan.
Sa gitna ng napakaraming pinagkakaabalahan, nangyari ang pandemya’t nagkaroon ng napakahabang lockdown na nagsimula noong Marso 2020. Ang mga trabahong mabigat na, mas lalo pang bumigat. Ang mga gawaing dumarami, mas lalo pang dumami. Kinailangang mas lalong maging responsable sa mga bagay na propesyonal, pulitikal at personal. Sadyang malaking hamon ang pagsasaayos ng mga trabaho’t gawain mula pisikal papuntang birtuwal.
Mula sa apat na sulok ng klasrum, nagkaroon ng diskusyon sa harap ng kompyuter. Dagdag na problema ang sitwasyong nagtuturo ako hindi lang sa isang unibersidad kundi sa dalawa, at sadyang magkaiba ang pinansyal na kondisyon ng mga estudyante sa mga ito.
Mula sa harapang interaksyon sa mga kapwa peryodista, napilitang makontento na lang sa elektronikong komunikasyon. Nagpupulong sa harap ng keyboard. Nag-iinterbyu at nag-uulat gamit ang cellphone, tablet, laptop o anumang gadget. Buti sana kung isang publikasyon lang ang pinagkakaabalahan. Katulad ng aking pagtuturo, dalawa ang publikasyong pangunahing tinututukan ko.
Kailangan pa bang banggitin ang kinakailangang paghahanda para sa darating na halalan? Kahit wala sa plano ko ang pagtakbo, adbokasiya ko pa rin ang manindigan laban sa anumang porma ng pandaraya. At dahil patuloy ang pamumulitika sa pamamahala, hindi nakakagulat ang lumalalang pagsasamantala ng mga mayaman at makapangyarihan para manatili sa puwesto. Maraming oras ang kinakain sa pagsusulat ng mga pahayag at pagbibigay ng mga pag-aaral hinggil sa isyung ito.
Huwag sanang isiping ito’y sanaysay ng pagrereklamo. Kailangan lang isakonteksto ang mga bagay na kailangang isakripisyo dahil sa pagkalunod sa mga trabaho’t gawain. Limitado ang oras para pagkasyahin ang mga responsibilidad na dapat gampanan. May dapat gawing prayoridad, may dapat ipagpaliban muna. Anuman ang maging desisyon, walang dapat talikuran dahil lahat sila’y mahalaga.
Paumanhin kung isa sa mga nasakripisyo’y ang lingguhang pagsusulat ng konteksto. Dahil medyo nakakahinga na, panahon nang balikan ito. May kasiyahan sa pagsusulat kahit na seryoso ang paksa’t tono. Naibabahagi ang mensahe ng pagbabago. Kasama ka ba sa handang making dito?
Tratuhin mo sanang imbitasyon ang aking “pagrereklamo.” Gawin na nating lingguhan ang huntahan sa nangyayari sa ating bayan.
Kung may aral na dapat matutuhan sa aking pinagdaanan (at patuloy na pinagdaraanan), ito ay ang pinili kong buhay. Nakakapagod ang maraming ginagawa pero may kabuluhan naman ang pagiging abala.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com
Ang tampok na larawan ay kuha at pagmamay-ari ni Lito Ocampo.