Grado

Tinaguriang “hell week” ngayon sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD), pati na sa iba pang unibersidad na may halos kaparehong kalendaryong pang-akademiko. Sa unang dalawang linggo ng Enero 2024, abala ang maraming estudyante sa pagkuha ng pinal na eksaminasyon at pagpasa ng mga kahingian sa kurso (course requirements). Lahat ng pinaghirapan, pinagpuyatan at iniyakan, siyempre’y may katapat na grado.

Inaasam ang uno (1.0) o anumang pinakamataas na grado, kinasusuklaman naman ang singko (5.0) o anumang bagsak na grado. Minsan nga’y tinatanong pa ng estudyante kung bakit “mababa” ang nakuha niya. Minsan nga’y tinatanong pa niya kung puwede bang itaas ang sa tingin niya’y “mababa.”

Nagiging palengke na nga ang unibersidad dahil sa pakikipagtawaran. Kung pagbabatayan ang aking mahigit dalawang dekadang pagtuturo sa UPD, hindi naman ito madalas mangyari. Pero may ilang kapwa guro akong nagsasabing “normal” na itong kalakaran bawat semestre.

Madalas man o hindi, may mangilan-ngilan talagang nagsasabing kailangan nila ng mas mataas na grado dahil: (1) kailangan ito sa pagpapanatili sa piniling programang pang-akademiko o scholarship; (2) hinahanap ito ng mga korporasyong nais pasukan; (3) may presyur mula sa magulang; at (4) nais nilang magtapos nang may mataas na karangalan (i.e., cum laude, magna cum laude, summa cum laude).

Sa usapin ng grade requirement para sa programang pang-akademiko o scholarship, dapat talagang repasuhin ng administrasyon ng mga unibersidad ang ilang polisiya rito. Bagaman walang problema kung may ilang partikular na pamantayan ng pagtanggap ng mga estudyante (e.g., kakayahang magsulat sa kaso ng programang Peryodismo), hindi na dapat maging batayan kung mataas ba o mababa ang nakukuhang grado sa mga kurso para mapanatili sa piniling programa.

Gayundin ang kaso sa scholarship dahil pinansyal na pangangailangan ang dapat na pangunahing batayan. Sa madaling salita, matatanggal lang ang estudyante sa isang scholarship program kung mapatunayang yumaman na siya.

Kung susuriin ang mataas na gradong hinahanap ng mga korporasyong nais pasukan at ng mga magulang na nagtaguyod sa mga estudyante, may dalawang tanong lang sa puntong ito: (1) Bakit napakahalaga ng pagpasok sa isang korporasyong nagnanais ng matataas na grado mula sa mga empleyado? (2) Hindi ba’t dapat ay matuwa na ang mga magulang sa pagtatapos ng kanilang pinakamamahal, mataas man o mababa ang mga nakuhang grado? Kung ang sagot sa unang tanong ay mataas na suweldo, kailan pa naging karera ang edukasyon? Kung ang sagot sa ikalawang tanong ay pambawi sa ginastos ng magulang, kailan pa naging puhunan ang edukasyon?

Karera at puhunan. Sa ganitong konteksto rin natin dapat suriin ang ilusyon ng karangalang pang-akademiko sa panahon ng globalisasyon. Bagaman makintab ang mga medalya’t titulo na sumasalamin sa apat o higit pang mga taon ng personal na pagsusumikap, mas matingkad ang politikal na pakikibakang hindi kayang tapatan ng anumang bagay na kukupas din ang kinang sa paglipas ng panahon.

Ang edukasyon ay hindi para mapaunlad ang karera kundi para mapaunlad ang kaalaman. Hindi lang sarili ang ating iniisip kundi ang paglilingkod sa sambayanan, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.

Sa pakikipag-ugnayan at pakikipamuhay sa mga manggagawa, magsasaka at iba pang sektor ng lipunan, hindi tinatanong kung may laude ba o hindi ang kaharap nila. Kumpara sa mga korporasyon, hindi hinahanap ng mga organisasyong pang-masa ang mga diploma o matataas na grado ng mga nais sumapi. Kumpara sa globalistang tunguhin, ibang perspektiba kasi ang ginagamit ng mga nais magsilbi sa mas marami.

Sa halip na karera o puhunan, tinitingnan ang edukasyon sa pormal at hindi-pormal na katangian nito. Hindi nasusukat ng numero o letra ang karanasan at natutunan. Nagsisilbing silid-aralan ang lipunan habang nagiging guro’t estudyante ang mismong mamamayan.

Sadyang abala ang maraming estudyante ngayon sa napakaraming gawaing pang-akademiko. Sa gitna ng pagsusulat at pagpupuyat, maintindihan sana nila kung para saan at para kanino ang kanilang pagsusumikap. Sa kanilang pagsusumikap, sana’y nasa bokabularyo nila ang pakikibaka. Sa kanilang pakikibaka, makakaasa sila ng pakikipagkaisa ng mas marami pa.

“Hell week” nga ba ngayon? Dahil alam na natin ang mas malaking adhikain, gamitin na natin ang katagang “well week.”

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa risingsun.dannyarao.com.

Featured image from Unsplash

Share This Post