Walang problema. Para sa mga ordinaryong mamamayan, “ayos lang” ang kahulugan. Para naman sa mga nasa kapangyarihan, ito ang “tamang daan” para takasan ang pananagutan.
Hindi kasi kailangang tugunan ang problemang hindi kinikilala. Walang krisis sa ekonomiya kung wala o kakaunti lang ‘di umano ang naghihirap. Walang “red-tagging” kung ang mismong salita’y wala raw sa diksyunaryo. Walang paglabag sa karapatang pantao kung ang culture of impunity ay hindi raw nangyayari sa ating bansa.
Kahit ang pamilyang may malinaw na ebidensiya ng pagnanakaw sa kaban ng bayan, nagmumukha pang bayani. Ito ay dahil sa pagbabago ng nakasulat sa mga modyul na ginagamit ng mga estudyante at pagpapakalat ng mga bidyo’t pelikulang nagpapabango sa apelyido ng angkang ito.
Ang pinatalsik na diktador ilang dekada na ang nakaraan, pinagpipilitang kabutihan ng bayan ang nasa isip nang ideklara ang Batas Militar kahit na may ebidensiyang magpapatunay sa karahasang dulot ng kanyang kamay na bakal.
Hindi rebisyonismo ang tahasang pagtatakwil sa katotohanan ng nakaraan at kasalukuyan. Hindi klaripikasyon ang sistematikong pagbabago sa kasaysayan. Hindi “truth-tagging”–kung gagamitin ang salitang pinapakalat ng ilang opisyal ng gobyerno–ang walang puknat at malawakang red-tagging. (Sa isang banda, maling paggamit ng salita ang “truth-tagging” dahil ang tamang salita ay “truth-telling” na isang batayang prinsipyo ng peryodismo.)
Tunay na ang simpleng pagtanggi ay nagiging simpleng pagpapanatili ng kaayusang hindi katanggap-tanggap.
Sa wikang Ingles, ang tawag sa pagtanggi sa katotohanan ay denialism. Ito ang magpapaliwanag sa ilang termino tulad ng historical denialism na tumutukoy sa ibang interpretasyon ng kasaysayan kahit na walang ebidensiyang magpapatunay sa pagsusuring ito.
Minsan pa nga, aktuwal na datos ang itinatanggi. Sa konteksto ng Batas Militar, ilang beses na nating narinig na wala raw detenidong politikal at lalong wala raw na pinatay dahil sa pulitikal na paniniwala mula 1972 hanggang 1986.
Hindi na natin kailangang ulitin pa ang malinaw na nakasulat hindi lang sa mga aklat ng kasaysayan kundi sa mga opisyal na dokumento ng gobyerno at korte na naging daan para bigyan ng kompensasyon ang libo-libong biktima ng rehimeng Marcos Sr.
Oo, pangalanan na natin ang pamilyang nakinabang sa sistematikong pagtatanggi sa katotohanan.
Maraming salik sa pagbabalik ng mga Marcos sa Malakanyang at ang isa sa mga ito ay ang disimpormasyon sa pamamagitan ng hyperpartisan vloggers, influencers at content creators sa social media, pati na rin ng ilang organisasyong pangmidyang pumayag na maging instrumento ng kasinungalingan.
Madali namang matukoy kung sino-sino ang pumabor sa mga Marcos at tumalikod sa responsableng paggamit ng social media at etikal na peryodismo. Sino-sino ba ang nagbabayad sa vloggers, influencers at content creators? Sino-sino ba ang nagmamay-ari sa mga organisasyong pangmidya?
Sa sektor ng midya, kilala ang mga peryodistang lalo pang yumaman mula nang maging pangulo ang anak ng diktador. Mayroon pa ngang nabigyan ng mataas na puwesto sa pamahalaan, at ngayo’y mas tumindi pa ang red-tagging niya sa mga dati niyang katrabaho.
May iba’t ibang porma ang denialism at ang isang hindi katanggap-tanggap sa peryodismo ay ang impunity denialism.
Malinaw na mayroong culture of impunity sa Pilipinas kung pagbabatayan ang iba’t ibang datos ng mga organisasyon sa loob at labas ng bansa–National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), Reporters Without Borders (RSF), Committee to Protect Journalists (CPJ), Freedom House at marami pang iba.
Mahirap sabihing lahat ng mga organisasyong ito ay may pagkakaisang magsinungaling para lang magkaroon ng maling naratibo sa sitwasyon ng midya sa Pilipinas.
Linawin din nating kung ikukumpara ang datos ng CPJ at NUJP, halimbawa, sa mga pinatay na peryodista’t manggagawa sa midya ng Pilipinas, magkaibang estadistika ang lumalabas dahil sa pagkakaiba ng metodolohiya.
Sa kabila ng pagkakaibang ito, malinaw sa mga datos na ang salarin sa maraming kaso ng pagpatay ay ang ilang nasa kapangyarihan. Taliwas ito sa madalas na sabihin ng Philippine National Police na hiwalay na kaso ang mga pagpatay dahil wala naman daw culture of impunity sa bansa.
Talaga? Walang problema? Bakit ganito ang disposisyon nila?
Para sa mga tagasuporta (kasama na ang ilang peryodista), makikita ang sagot sa kinang ng kayamanang kapalit ng prinsipyong isinuko. Para sa mga mismong nasa kapangyarihan, makikita ang sagot sa mga plano nilang mapatagal pa ang kanilang pananatili sa puwesto.
Tunay na ang simpleng pagtanggi ay nagiging simpleng pagpapanatili ng kaayusang hindi katanggap-tanggap. Walang problema kung walang aamin. Walang solusyong kinakailangan kung may nagkukunwaring walang kinalaman.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com