Konteksto | Peyups

Mula “pamantasang hirang” papuntang pamantasang harang. Mula “dangal at husay” papuntang hangal at walang saysay. Ano na ang nangyayari sa Peyups nating mahal?

May pinirmahang kasunduan ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) at ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas (Armed Forces of the Philippines o AFP) noong Agosto 8. Ang titulo nito sa wikang Ingles: Declaration of Cooperation on Strategic Studies Research, Publication and Capacity-Building.

Layunin nitong magbigay ng balangkas (framework) para sa kooperasyon tungo sa posibleng pagbubuo ng mga proyekto’t aktibidad na may kaugnayan sa mga estratehikong pag-aaral (strategic studies) sa pamamagitan ng pananaliksik; publikasyon; pagsasanay; pag-oorganisa ng mga komperensiya, porum at diyalogo; at mga pagbisitang pagkakasunduan at depende sa magagamit na pondo.

Tinukoy ang dalawang organisasyong magkakaroon ng malapit na ugnayan—ang Office of Strategic Studies and Strategy Management (OSSSM) ng AFP at Center for Integrative and Development Studies (CIDS) ng UP.

Ano ba ang problema sa kasunduang ito? Una, hindi ito dumaan sa konsultasyon at nalaman na lang ito ng publiko nang i-post sa social media accounts ng AFP ang mga larawan ng pirmahan (na tinanggal din matapos umani ng batikos). Ikalawa, walang pangangailangan para sa isang pormal na kasunduan at nagsisilbi lang itong “public relations boost” para sa AFP sa ginagawa nitong pananakot at intimidasyon sa mga kritikal na estudyante, guro, empleyado, residente at alumni ng UP.

Kung tunay na naninindigan ang administrasyon ng UP sa demokratikong pamamahala, mainam na may sapat na impormasyon ang komunidad sa anumang plano nito, lalo na ang mga maaaring magdulot ng kontrobersiya. Kung iniisip nito ang kapakanan ng mga biktima ng AFP, ang prayoridad nito ay kausapin ang iba’t ibang sektor ng pamantasan para siguraduhing alam ang mga pananaw nila. Sa kaso ng pinirmahang deklarasyon noong Agosto 8, hindi nangyari ito.

Mahalaga ring idiing hindi kinakailangan ito, lalo na’t ang hinahanap na kooperasyon ay posibleng gawin ng mga interesadong indibidwal nang hindi idinadawit ang buong unibersidad. Dahil ang pagsusumite sa mga refereed na dyornal ng OSSSM at CIDS ay nakasaad sa deklarasyon, kailangang banggitin ang isang katangian ng pamamahala sa publikasyon: Desisyon ng indibidwal na mananaliksik na magsumite sa anumang dyornal na gusto niya.

Kung tutuusin, puwede pa ngang pagsuspetsahan ang pagkakaroon ng kasunduan dahil baka makompromiso nito ang proseso ng peer review sa partikular at ang editorial independence sa pangkalahatan. Gayundin ang kaso sa “guest editorship” ng CIDS sa OSSSM na ninanais ng kasunduan dahil desisyon ng isang guro ng UP kung saan niya gustong magsilbing patnugot ng anumang dyornal.

Tama naman ang sinabi ng administrasyon ng UP na hindi na bago ang kooperasyon sa pagitan ng UP at AFP (at maging ng Philippine National Police o PNP). Pero ang mga ito ay inisyatiba ng mga indibidwal na faculty, o minsan nama’y espesipikong departamento o kolehiyo at mayroong partikular na layunin o proyekto. Kung susuriin ang limang pahinang deklarasyon, malawak ang nais ng administrasyon ng UP dahil ginamit ang terminong “strategic studies” sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad at proyekto.

Kung mayroon mang makikinabang sa deklarasyong pinirmahan, ito ay ang pamunuan ng UP at AFP dahil mayroon nang dokumentong magpapatunay ng “magandang relasyon” ng dalawang institusyon habang patuloy ang karahasang ginagawa ng militar sa mga kritikal na elemento ng pamantasan. Tunay na magandang “pabango” ito sa mahabang listahan ng paglabag sa karapatang pantao.

UP ngayon, iba pang unibersidad sa hinaharap. Asahan ng normalisasyon ng “public relations boost” ng AFP para mapagtakpan nito ang karahasang patuloy na ginagawa sa mga mamamayang patuloy na naninindigan.

Mula “paglingkuran ang sambayanan” papuntang paglingkuran ang AFP. Ano na nga ba ang nangyayari sa tinaguriang pambansang unibersidad? Mainam na tanungin ang mga opisyal na payaso, kung kaya pa nilang sumagot nang hindi humihingi ng permiso sa mga berdugong may baril.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

Share This Post