a
Konteksto | Plano
Published on Mar 2, 2025
Last Updated on Mar 2, 2025 at 8:13 pm

Bukal ng karunungan ang karanasan ng mga nasa laylayan sa lipunan. Sa kanila rin nanggagaling ang motibasyon para pahusayin ang kaalaman tungo sa klase ng pagbabagong makatutulong sa kanila.

Asahan ang hindi inaasahan. Ayusin ang dapat ayusin. Mainam na may plano kahit sa malapit na hinaharap. Magandang mapaghandaan ang anumang pangyayari.

Ngayong 2025, nagdesisyon akong mag-sabbatical mula sa UP Diliman. Ibig sabihin, hindi ako magtuturo sa buong taon pero makukuha pa rin ang sahod bilang guro. Bilang pribilehiyong ibinibigay sa mga gurong may ranggong Associate Professor pataas, ito ang pagkakataong makapagpahinga pansamantala, bukod pa sa makatutok sa anumang pananaliksik na nais gawin.

Ang tanong sa puntong ito, may pahinga bang maituturing ngayong taon? Tandaang mangyayari ang halalan ngayong Mayo. Dahil alam kong magiging abala ako bilang convenor ng Kontra Daya, kailangan talagang pansamantalang tumigil sa pagtuturo. Sa unang dalawang buwan pa lang ng 2025, napakarami nang panayam sa midya at talumpati sa kung saan-saan.

Nagkakasunod-sunod na rin ang mga pulong lalo na’t papalapit na ang Mayo 12, ang araw na pipili ang mahigit 70 milyong botante ng mga bagong opisyal ng gobyerno sa pambansa’t lokal na antas. Sadyang walang pahinga habang nariyan ang iba’t ibang porma ng pandaraya!

Samantala, nariyan din ang personal na hangaring matulungan ang anak sa kanyang pag-aaral. Mahalagang matugunan ang lahat ng pangangailangan sa kanyang paaralan, higit pa sa simpleng paghatid at pagsundo sa kanya. Sa bawat pag-angat ng grado, katumbas ng pagdami ng mga asignatura ang pagbigat ng gawaing pang-akademiko.

Mainam na sa murang edad, naikikintal na sa kanya ang pangangailangang mag-aral nang mabuti. Kahit na sa klasrum naibabahagi ang mga leksyon, kailangan niya ring matuto mula sa kanyang kritikal na pagsusuri sa kanyang paligid.

Oo, mahalaga ang grado para pumasa’t makapagtapos pero higit na mahalaga ang pagtrato sa lipunan bilang klasrum. Bukal ng karunungan ang karanasan ng mga nasa laylayan sa lipunan. Sa kanila rin nanggagaling ang motibasyon para pahusayin ang kaalaman tungo sa klase ng pagbabagong makatutulong sa kanila.

Oo, mahirap magpalaki ng anak lalo na sa panahong patuloy ang pang-aapi sa nakararami. Sa kabila ng mga balakid sa makabuluhang paggabay, kailangang tutukan ang kanyang pagtahak sa tamang landas ng pagiging totoong tao habang nagpapatuloy ang rehimen ng kadiliman at kasamaan.

Bukod sa politikal at personal na mga dahilan, nariyan din ang “internasyonal” na pang-akademikong pangangailangang ipagpatuloy ang mga pananaliksik. Sa ngayon, may mga manuskritong kailangang tapusin dahil naipangako ang mga ito sa mga kakilalang akademiko mula sa ibang bansa.

Oo, hindi lang sa Pilipinas ang aking mga obligasyon. Normal naman ito sa mga peryodista’t gurong medyo nagkakaedad na’t dumarami ang mga kakilala. At dahil dumarami na ang mga trabaho, marapat lang na mag-sabbatical para maharap ang mga ito.

Kailangan pa bang isingit ang aking responsibilidad bilang patnugot ng isang internasyonal na pang-akademikong journal? Sa nakalipas na limang taon, dumarami ang mga manuskritong kailangang rebyuhin kung karapat-dapat bang mailimbag, sa tulong ng mga reviewer.

Mabusising trabaho ang paniniguradong tama ang prosesong “peer review” para sa mga pag-aaral mula sa iba’t ibang bansa tungkol sa iba’t ibang isyung may kaugnayan sa komunikasyon at midya.

Kung noo’y hindi masyadong mabigat dahil kakaunti lang ang nagsusumite, ngayo’y kumakain na ito ng oras dahil napakarami na ang mga manuskritong kailangang basahin, rebyuhin at desisyonan kung karapat-dapat bang isalang sa “peer review.”

Bilang patnugot, ako ang responsable hindi lang sa reputasyon ng journal. May mga pagkakataong ako ang lumalabas na may kinalaman (direkta man o hindi) sa tenure, rank promotion o doctoral degree fulfillment ng mga akademiko sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Tunay na ang “simpleng” planong mag-sabbatical ay may malaking epekto sa pagbibigay ng mas maraming oras para sa mga gawaing politikal, personal at propesyonal ngayong taon. 

Hindi nito minamaliit ang kahalagahan ng pagtuturo, lalo na ang papel ng guro sa paghuhubog ng kaisipan ng kabataan. Kailangan lang linawin na sa panahong ito, kailangang magkaroon ng ilang prayoridad, at mahalaga ang halalan at kapakanan ng anak. Babalik at babalik pa rin naman sa pagtuturo sa susunod na taon, at asahang iigting at iigting ang malalimang diskusyon sa loob ng klasrum.

Asahan ang hindi inaasahan. Baguhin ang dapat baguhin. Sa mga darating pang taon, may mga plano pang kailangang pagnilayan. Kailangang nakapaloob ang personal at propesyonal sa mga politikal na adhikain. Kahit na “simpleng” sabbatical lang ang desisyon, may malalim dapat na pinaghuhugutan ang plano.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

SUPPORT BULATLAT.

BE A PATRON.

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

Ads

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This