NI RAUL FUNILAS
Inilathala ng Bulatlat
Giniyahan ka upang matalunton
Ang lingas ng lantay na landas.
Subalit, hinila ka ng iyong sarili
Paa upang palimpingi’y
Ang madawag na gubat.
Walang retina kumisap sa pag-abot
Ng medalya at diploma,
Bagkus, inasinta mo ang pagsinta
Ng armalayt at nagbabagang bala.
Ikinasal ka sa lukob at basal na prinsipyo’t
Lumuhod sa bawat labanang
Nagngangalit ang bagang at litid.
Nanganak ang iyong adhika at kumalat
Ang naglalagablab na bulong sa liblib na nayon
At sa hindi natutulog na magulong siyudad.
Sa mga anak ng bayang siyang magsusuhay sa papahapay
Mong buhay, doon sa kumikiling na kanluran.
Ipagbubunyi ka namin…
Oo, ikaw! ikaw na Matandang Mandirigma…
Magiting kang ituturing
Sa hinakab at pinakat mong kabayanihang
Siya nating ipinaglalaban.
Umasa ka sa ayugkong ng aming pangako,
Pasasalibsibin namin ang aming kumintang;
Kami ang magpapatuloy
Sa hindi matapus-tapos
Na digmaan.
Setyembre 26, 2006
Inilathala ng Bulatlat








0 Comments