Buntot

NI ROSELLE PINEDA
Bulatlat.com

Maliwanag ang mga mata sa dilim
Dilaw ang kulay ng kanyang mga lihim
Matalas ang pandinig
Dugo ang kapalit ng kanyang mga titig

Kung magaan ang mga yapak
Sa anino nakakahanap ng lakas ang kanyang mga pakpak
Kung mabigat naman at malakas ang mga yabag
Pagkitil ng buhay ang dala niyang mga bagabag

Minsa’y tahasan ang pakikipag-usap
Ang iba nama’y mangingibig na nagaapuhap
Eskuwelahan, simbahan, maging bahay-aliwan
Walang pinipiling lugar kung ika’y bubuntutan

May iwing pangamba
Ang lahat ng pagkilala
May iwing pagtatala
Ang bawat pagtitiwala

Haplos ng kaibigan
Halik ng kasintahan
Yakap ng magulang
Kauri, kalahi, kabaro, kasama
Walang pinipiling damdamin
Ang paglilista

Mag-ingat sa mga matang dilaw sa dilim
Sasakmal ang pangil ng traydor pagkagat ng takipsilim
Isa na namang pangalan ang guguhitan ngayong gabi
Habang ang iba pa’y magpapatuloy ng laban hanggang pagwawagi!

Inilathala ng Bulatlat

Share This Post