Nang Ilibing ng mga Kongresman ang Impeachment

NI RAUL FUNILAS
Bulatlat.com

Bakit pumanig ka sa banig na bitbit ng mababagsik
Na kongresmang maglilibing sa kasong impeachment
Ni GMA? “Dahil ang halalan ay malaong lumalapit,
Kaya dapat ay mahigpit na kaming sa tapis ay kumapit.”

Maraming nagluksa sa pagsasaya ng mga tunggak,
Maraming nagsasaya sa pagluluksa ng mga hinamak;
Iniuumang na ng palasyo ang isang Cha-Chang bitag
Upang ang kapangyarihan nila’y lalong lumaganap.

Yayamang muli ang mga magnanakaw sa gobyerno,
Bibili ng lupa at bahay sa ibang panig nitong mundo;
Mamimili ng milyong boto at ibinentang prinsipyo
Ang mga senador at kongresmang kakampi ng palasyo.

Saan papunta ang bayan naming Perlas ng Silangan
Kung ang umuugit na pinuno ay pulos salanggapang?

Agosto 25, 2006

Inilathala ng Bulatlat

Share This Post