Para makalikas, iba-iba ang paraan. May tumatalon ng gusali para makatakas sa kanilang among nagkulong sa kanila sa mga inabandonang bahay. May naglakad ng dalawang araw para makarating sa evacuation center sa Hamra, walang dalang pagkain o gamit sa pagmamadaling makatakas. May ilang nasiraan ng bait dahil sa panganib na pinagdaanan. Mayroon dalawang umuwi lulan ng kahon.
NI ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com
Aabot ng 36,000 ang Filipino sa Lebanon, 97% ay Filipina, at 90% ay katulong. Apat na libo pa lamang ang nalilikas sa bansa simula nang maggiyera.
Ding! Ang bato….
Para makalikas, iba-iba ang paraan. May tumatalon ng gusali para makatakas sa kanilang among nagkulong sa kanila sa mga inabandonang bahay. May naglakad ng dalawang araw para makarating sa evacuation center sa Hamra, walang dalang pagkain o gamit sa pagmamadaling makatakas. May ilang nasiraan ng bait dahil sa panganib na pinagdaanan. Mayroon dalawang umuwi lulan ng kahon.
Darna!
Ordinaryong mamayan si Narda—mahirap, lumpo, bata at babae. Pero sa pamamagitan ng bato, nagtratransforma si Narda para maging si Darna—makapangyarihan, nakakalipad, dalaga at babae.
Narda!
Kapalit ng US $150 bawat buwan, iniwan ni Mariz, 20 taong gulang, ang kanyang dalawang musmos na anak. Halos 18 oras siyang nagtratrabaho araw-araw, sobrang gutom. Akala ng kanyang amo ay siya si Darna, hindi na kailangang kumain. Nagsesenyasan lamang sila ng mga katulong kapag nagtatapon ng basura. Bawal makipag-usap, lalo na sa kapwa Filipina. Regular siyang ipinapahiram ng amo sa mga kamag-anak para linisin ang malalaking bahay nito.
Ibinenta si Richelle nang 2000 pounds ng ahensya sa kanyang amo. Kapalit daw nito, habambuhay siyang magtratrabaho roon ng walang bayad. Hindi naman tumatanggap ng sweldo o pabuya si Darna, alam ito ng mga amo sa Lebanon. May mga kaso pa ngang hindi pinapayagan ng among makaalis ang katulong kapag pinagsawaan na, nananatiling nakakulong at walang kontak sa embahada.
Sa mahigit na isang taon at kalahating nanilbihan si Rosario sa kanyang amo, hindi pa siya nakakakita ng pera ng Lebanon. Wagas lang ang kalooban ni Darna na maglingkod sa kanyang kapwa.
Si May ay minomolestiya ng kanyang amo. Dalaga rin naman si Darna, may makamundong pagnanasa. Madalas kapag nagsusumbong ang katulong sa ahensya, kinakampihan ng ahensya ang amo. Kapag ibinalik ang katulong sa amo, hindi na ito pinapasweldo.
Kabilang sila sa lumikas pabalik ng bansa.
Pagod na si Darna.
At ngayong may ceasefire na sa Lebanon, tiyak na dadagsa muli ng katulong sa Lebanon.
Lipad, Narda, lipad!
—————————————
Halaw kay Maureen Hermitanio, “Silang Mga Supermaid,” Online Pinoy Weekly 5:33 (23 Agosto 2006), http://www.pinoyweekly.org/pw5-34/feats/lat_2.htm.
(* Ang maikling kolum na ito ay nasa pormang dagli, na ginamit sa mga diyaryo sa panahon ng kolonyalismo ng US sa Pilipinas. Ang moda ng dagli ay maaaring dedikasyon, malasanaysay o malakatha. Maaari itong magkaroon ng lamang pulitikal na siyang magiging palagiang laman ng kolum na ito.)