Habang nanonood ang mga tao sa kanilang mga telebisyon, bigla na lamang nag-zap sa tuldok ang mukha ni Marcos. At biglang naglabasan ang mga abong static, tila naglipanang gamu-gamo sa matimyas na tuldok na tumapos sa pagkapangulo ni Marcos.
Ni Roland Tolentino
Bulatlat.com
Ang alaala ko sa deklarasyon ng martial law noong 1972 ay isang mahikang araw na bigla na lamang static ang telebisyon kapag binubuksan. Makailang pindot sa switch ay hindi pa rin nagbabago ang butil-butil na iba’t ibang abong nagkikilusang kulay sa screen. Nawala ang mga variety show sa tanghali at pelikula sa hapon. Sa bandang pagabiha ay biglang nalinaw ang static, pinalitan ng tuldok, naging itim na screen, matapos ay nagzap muli.
Bigla na lamang nagpakita ang mukha ni Ferdinand Marcos sa screen. Nakabarong, nakaupo sa mesang nakatago ang pang-ibabang bahagi ng kanyang katawan, medium shot ang kanyang black-and-white framing. Parang galit at nag-aalburito ito dahil nanduduro pa sa mga taong nanonood sa kanya sa kani-kanilang mga sala.
Naalaala ko nang una kaming magkatelebisyon sa probinsya. Hindi naman pwedeng ipagkait ng mga magulang ko ito sa aming mga kapitbahay na dumadayo at nakikipanood. Tuwing gabi ay inilalabas ang telebisyon, mukhang mga muwebles na tukador sa panahong ito, sa gilid ng kono namin. Inililipat rin ang rattan na sala set at doon nauupo ang mga miyembro ng pamilya. Nakapaligid sa amin, nakaupo sa harap at tagiliran, nakatayo sa likod ang aming mga kapitbahay.
Naluwas na kami para mag-aral sa Maynila. Ang atensyon ng buong pamilya ay nasa telebisyon ng araw na iyon. Kahit kaming mga bata ay hinayaang kumain sa harap nito, na dati naman ay hindi pinapahintulutan. Grade II pa lang ako noon at hindi ko maintindihan ang sinasabi ni Marcos sa loob ng kahon.
Isang buwan kaming walang pasok. Wala rin namang ginagawa at tila mas maaga kaming pinatutulog. Kaya naisip namin na baka may mabuti ring nagawa si Marcos. Nang pinabalik kami sa eskuwelahan, walang leksyon maliban sa galing sa mimeo na hawak ng guro. “Bakit dineklara ang martial law?” At ang sagot na binanggit sa amin ay “Kapayapaan” kahit hindi naman alam at ipinaliwanag ang kahulugan nito.
Nagbago rin ang kurikulum. Bigla na lamang kaming pinagdala ng mga buto, piko at maliliit na pala at pambungkal ng lupa. Mantakin mong nakikita mo ang iyong mga mestizo at dayuhang kaklase sa exclusive school na bigla na lamang nagbubungkal ng lupa, gumagawa ng plot, at pinagtatanim ng mga gulay mula sa buto! Sa kalaunan ay ang boy ng building ang gumawa ng plot ng bawat klase, at ang hindi mapatubong mga buto ay pinalitan na ng malalaking buhay na gulay na binili sa tindahan ng halaman. Pinag-aralan din namin ang pangalawang anthem, “Bagong Lipunan,” ginamit pa hanggang Grade V habang papasok kami sa entablado para sa sabayang pagbigkas ng isang piyesang hindi ko naman naiintindihan.
Noong 1986, sa panlulumo ng pamilyang Marcos sa pagkakulong nila sa Malacañan, nag-live coverage ito, nagdedeklara ng muling pagkapanalo sa snap election. Walang pandaraya, sila ang biktima ng mga asulto. Naroroon ang extended na pamilya at tila si Borgy pa nga yata ang batang nagtatakbo sa paligid, hindi maawat, habang nagsasalita si Marcos. Hindi maitago ang panlulumo ng mga kapamilyang nakapaligid sa kanya, pati si Imelda ay parang iiyak pa nga. Habang nanonood ang mga tao sa kanilang mga telebisyon, bigla na lamang nag-zap sa tuldok ang mukha ni Marcos. At biglang naglabasan ang mga abong static, tila naglipanang gamu-gamo sa matimyas na tuldok na tumapos sa pagkapangulo ni Marcos. Bulatlat
(* Ang maikling kolum na ito ay nasa pormang dagli, na ginamit sa mga diyaryo sa panahon ng kolonyalismo ng US sa Pilipinas. Ang moda ng dagli ay maaaring dedikasyon, malasanaysay o malakatha. Maaari itong magkaroon ng lamang pulitikal na siyang magiging palagiang laman ng kolum na ito.)