Maiksing Eskema at Eksena sa Bayan Namin

NI RAUL FUNILAS
Inilathala ng Bulatlat

Si Bang-aw ay isa lamang sa limang batang lagalag na ligalig
Sa lansangang naglalansa ang kalan ng kanal at imburnal.

Ang limang daliri’y isinuksok sa naglalantiting garapong pawis,
Upang bumalani ang pampasabog na lasa ng kultadong asin

Sa ga-ulo ng pusang may umok sa nakabalot na kaning kinakain
Ng mga batang butusing nakapalibot sa styro foam ng McDo at Jolibee.

Araw-araw na nasa apat na sulok ng nanlilimahid at hukot naming bayan
Ang angaw na bangaw na lipos naglilibang sa nakasusulasok na basurahan.

Ginagalugad ang palibot at nagbubulungan, nagpapandyikme at nakikipaggalbutan
Sa bungangang tumatanghod sa burarang lapad ng dulang na nakapangangasim.

Galit ang limang bata! Pinaglalagod nang hataw ng dalawang pirurutong na palad
Ang mga ligaw na bangaw na sa pagkain ay kanilang laging kaagaw…araw-araw.

Setyembre 22, 2006

(Bulatlat.com)

Share This Post