Lalaya Rin ang Bayan (Kahit Di Mo Na Ito Sulyap)

NI NOEL SALES BARCELONA
Inilathala ng Bulatlat

Hindi maglalaon
muling makikitang
malaya ang Bayan.

Bayang pinagbuwisan
ng sampalataya’t dugo
ng pangangarap at pagkabigo.

ng tagumpay at luha
ng pagkukuro at pagkatuliro
ng lakas at panghihina.

Mamahinga ka na
Ikaw na marapat
sa dangal ng iyong abito.

Naririto kami –
kasama ng dasal
ang usal ng isang sumpa –

Hindi kami titigil
hangga’t di makamtan
ang pangitain mong:

Hindi maglalaon
muling makikitang
malaya ang Bayan!

Requiem aeternam dona ei, Domine, et lux perpetua luceat ei. Requiescat in pace. Amen. (Bigyan Mo po siya, O Panginoon ko ng walang hanggang kapahingahan at hayaang mag-ilaw sa kaniya ang walang hanggang Ilaw. At nawa’y mamahinga siyang mapayapa. Siya nawa.)

Kay Bp. Alberto Ramento (Iglesia Filipina Independiente), mamahinga kang mapayapa…

Inilathala ng Bulatlat

Share This Post