Punta Spartivento

NI E. SAN JUAN, JR.
Inilathala ng Bulatlat.com

“Walang pag-aalsang nasasayang. Bawat isa’y hakbang sa wastong direksyon.”
—Salud Algabre

(Para kina Sarah Raymundo, Sherlyn Cadapan at Karen Empeño)

Kamusmusa’y pinaglahuan, Mahal ko,
Nahubdang kariktan ng lawa bundok ulap ang pinagpalang dulot sa atin ng kalikasan
Sa kabilang ibayo nagliliyab ang mga bulaklak sagisag ng biyayang ipinangako….
Ngunit anong bagwis ng lumipas ang sumisingit
lumalambong sa ganda’t aliwalas ng ating pagtatagpo?
bumibiyak sa pinagbuklod na pagnanais, humahati sa pinagtipan?
Nagugunita ang mga pinagmalupitang “ininis sa hukay ng dusa’t pighati”….
Alaala ng kinabukasan—
anong balitang bulalas ng dumaragsang hangin?
Pinatay sina Juvy Magsino, Benjaline Hernandez, Eden Marcellana, Rafael Bangit, Alyce Claver….

Sa dalampasigan ng Punta Spartivento, nagtatagpo’t naghihiwalay ang alon—
sa kaliwa o sa kanan, hayun at naryan—tila baga walang pagpapasiya,
itinutulak sa kaliwa o kinakabig sa kanan
pinaghahati ng tadhana o kapalaran?
itinitulak ng pagkamuhi, kinakabig ng pagmimithi?
Anong layag ang pumalaot sa kabilang pampang—urong sulong pataas pababa?
Kukong dayukdok ng mandaragit ang humahagupit ngayon—
Halos di madalumat ng manlalakbay ang krimeng naganap at nagaganap–
764 pinatay, 184 dinukot at pinagsamantalahan—
Nasayang ba, Salud? “Buhay ma’y abuting magkalagot-lagut”—ilan pang hakbang?
Dumurugtong ang inabot ng mga hinagupit ng walang-katarungang orden,
Iniuugnay ng mga pinaglaho’t nilunod ng kabuktutan….
Agaw-dilim sa Punta Spartivento….
humahati’t bumibiyak sa agos ng karanasan….
Sa pangungulila, kumikintal sa budhi ang mga mandirigmang sumakabilang buhay
Nakaigpaw sa kuko’t pangil ng daungang humahati’t naghihiwalay—
Mahal ko, sa iyong labi namilaylay ang bukang-liwayway ng biyayang ipinangako,
inilagak sa hiwa ng dalamhati’t luwalhati, ng kailangan at di-kailangan,
ng walang halaga at may halaga, habang magkayapos, tiim ang bagang,
sumasagupa sa buhawi ng dalampasigan….

Pinagpala ang ilanlibong mamamayang biktima ng mga oligarko’t komprador
sa biyak ng kahapong lumubog at ng kinabukasang pumapaimbulog

Pinagpala ang mga kasamang naghiwalay at humati, nagbukod at bumiyak

Makikilala din ang umiwas at ang dumulog, ang nakihamok at ang tumiwalag,

Magtatagpo ang lahat sa Punta Spartivento ng himagsikan.

Bellagio, Italya

Setyembre 2006

Share This Post