NI FRANCISCO MONTESEÑA
Inilathala ng Bulatlat.com
Sa siyap ng mga sisiw
sa ibabaw ng iyong kabaong
ibinadya ang dalamhati
sa di sinadyang paglisan.
Papapanagutin at di patatahimikin
ng mga taghoy ang mga salarin.
Sa himlayan ay pinilit ka nilang dalhin
at ang katotohanan ay sabay inilibing.
Ngayon ang ika-isang taon;
Tanda ko pa ang pagkakapiraso
ng isinabit na palayok sa may pintuan.
Ang sabi’y upang wala nang sumunod
sa iyong pinuntahan. Wala namang nagbago.
Nag-iwan lamang ang malakas na pagkakapalo
Ng mapulang bahid sa kamay na di naman
nahugasan ng panahong nagdaan.
Bakas ng galit sa di nakilalang tampalasan.
Anibersaryo ngayon ng pagkaputol ng iyong hininga.
Kaya’t mula sa aming mga pinagtaguang lugar,
nagsiuwi kaming lahat. Mula sa aming pagtakas
sa iyong alaala, kataka-takang pinupulot
ngayon isa-isa ang noon ay pilit kinalimutan.
Marahil ay sadyang hindi kayang ikubli ng hukay
ang mga kulay na iyong ipininta sa amin.
Sa pagkakatagpu-tagpo ngayon sa lungkasan,
iaahon namin ang katotohanang iyong nakita.
Sama-sama naming ihahayag
ang iyong inilahad sa aming mga panaginip
at patatalsikin ang sinumang nanligalig.
Handang-handa ngayon
kaming mailibing,
maiahon ka lamang.
*lungkasan – ikaisang-taong anibersaryo ng kamatayan
Oktubre 12, 2006
Inilathala ng (Bulatlat.com)








0 Comments