a
Published on Dec 16, 2006
Last Updated on Aug 15, 2010 at 5:24 pm

ADVERTISEMENT

NI JESSA MEI JAMILA
Inilathala ng</strong>

Gusto ko po sanang magbigay ng aking opinyon tungol sa nakaraang usaping hinggil sa Hacienda Luisita. Ang aming guro po sa Araling Panlipunan ay pinapanood kami ng isang dokumentaryong talagang nagpabuhay sa nag-aalab kong dugo at humikayat sa aking makiisa sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita.

Ang dokumentaryong Sa Ngalan ng Tubo ay talagang nagpasiklab sa aking diwa at puso.

Ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita ay labis na naghirap gayong ang tanging nais nila ay kumita para sa kanilang ikauunlad. Ang lupang pinagbubuhusan nila ng pawis ay ipinagkakait pa sa kanila.

Kung tutuusin ay wala nang dapat pang pag-usapan. Malinaw na dapat ay nasa kanila na ang lahat ng karapatan sa nasabing lupa: naipanalo na nila ang kaso hinggil dito at kitang-kitang hindi talaga tumupad sa usapan ang pamilya Cojuangco.

Kung maaalala ay pinautang ng Bangko Sentral ang pamilya Cojuangco upang mabili ang lupa, sa kundisyong pagkatapos ng 10 taon ay ipapamahagi na ang lupang nasabi. Ngunit lumipas na ang napakaraming taon ay nananatili pa ring nasa kamay ng pamilya ang Hacienda Luisita.

Hindi lang iyon, dahil labis nilang ginamit ang ating mga kawawang magsasakang maghapong nagbibilad sa araw upang linangin ang ating mga lupa. Higit pa riyan, ginigipit pa ng mga ito ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapasuweldo sa kanila ng maliit na halaga lamang.

Kaya gayon na lamang ang hinagpis at pagmamatigas ng ating mga magsasaka lalo na nang sabihin sa kanila na mawawalan na sila ng hanapbuhay sa kadahilanang gagamitin na ang lupaing yaon upang maging lugar para sa pagsasaya. Ang mga kawawang ito ay pinagtulungan ng mga pulis at militar na silang nagturo sa mga taong ito na gumamit ng dahas. Umabot pa sa kasukdulan ang lahat nang paputukan ng mga ito ang mga walang-labang magsasaka, bagay na naging sanhi ng pagkamatay ng marami.

Ipinaglaban nila ang kanilang karapatan hanggang sa huling hininga, patunay na para sa kanila ay “tuloy ang laban.”

Hindi man maibabalik ang buhay ng mga ito, sila ay nagsilbing tagapagmulat sa mga tao lalong-lalo na sa mga kabataang tulad ko, tungkol sa kabulukang nangyayari sa ating bansa – na mismong ang ating mga pinuno pa ang nagkakait sa atin ng karapatang umunlad sa ating pamumuhay.

Ano na lamang ang haharapin nating kinabukasan kung ang ituturo nila sa mga kabataang katulad ko ay pagiging sakim sakim o maramot sa kapwa natin Pilipino, at palalakihin kaming hindi marunong magpahalaga sa ating mga magsasaka na silang nagbibigay ng ating ikauunlad para sa kinabukasan? Inilathala ng (Bulatlat.com)

Si Jessa Mei Jamila ay nasa ikaapat na taon ng mataas na paaralan sa Arellano University, Plaridel, Bulacan

 Save as PDF

BE A BULATLAT PATRON

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

MORE FROM BULATLAT

Pin It on Pinterest

Share This