Just-in-time

Tila mahika ang bilis ng pag-deliver ng mga pagkaing dayuhan tulad ng hamburger at pizza na hindi kayang pantayan ng mga lokal na gumagawa ng pagkain. Pero iba pa rin ang sarap ng huli dahil ang kasiyahang nadarama ay hindi lang simpleng paglalaway.

Ni Rolando B. Tolentino
Bulatlat

Masaya si Latifundia dahil tuwing pumipikit siya, iisip ng gustong makain at hindi pa man bumubuka ang kanyang bibig, rumorolyo ang dila sa ibabaw ng bunganga at tagiliran ng ngipin ay bigla na lamang dumarating, impunto, ang kanyang pinapangarap.

Gusto niya ng hamburger, sumagi pa lamang sa kanyang diwa, ay bigla nang may nakaunipormeng nakangiti at bumabati ng “Good morning. Have a nice day.” na naghahatid ng hamburger. Gusto niya ng pizza at may magdo-door bell na, may mainit na nakakahong pizzang inilalabas sa pakete. Gusto niya ng tall decaf green tea frappuccino with machiatto syrup, low fat milk, double-whip cream with white mocha, at walah! nandiyan na kasabay ng boses na nag-aanunsyo ng kanyang ino-order para sa tila itinatanging Latifundiang binibigkas ng barista.

Pero hindi nagtatagumpay ang ganitong mahikal na sandali sa ibang pagkain—kapag gusto niya ng Ma-mon-luk na mami at siopao, 3M Pizza o D’ Original Buko Pie, kailangan niyang mag-antay ng syam-syam para makarating ito sa kanya. Minimum na isang araw na pataan, parang kapag gusto niya ng boneless roast duck sa Binondo, marang sa Davao, Malaybalay na kape, at maging ang paradusdos at sapinsapin ni Nanang Henyang sa San Leonardo, Nueva Ecija.

Hindi pantay ang bilis ng paggawa, pagbenta at pagkonsumo ng pagkain. Bawat araw ang gawa ni Nanang Henyang sa kanyang mga minatamis na ibinebenta at nauubos tuwing hapon. Ang pastillas ng San Miguel, Bulacan ay mabibili na sa lahat ng mall, maging ang iba’t ibang bersyon ng puto ube, maliliit na kutsinta at putong puti ng Pangasinan ay nasa tagong mga kalsada ng Quezon City. Ang Fuji apple at mangga ay nakakapagtakang pwedeng mabili kahit anong araw. Ano nga ba ang pinakamabilis na malutong instant mami o pansit canton?

Pumikit si Latifundia, tulad nang nakahiligan niyang gawin tuwing bigla siyang naglalaway, iniisip kung ano ang kailangan niyang matikman para maibsan ang pagnanasa ng bibig. Gusto niya ng matamis pero nang dumating ang ube cake ay tila hindi siya nasiyahan. Para pa ngang pinipilit lang niyang maubos ang buong cake. Gusto niya ng maasim, at nang dumating ang tsitsarong may maanghang na sukang sawsawan, sumakit na ang kanyang batok pero nanatili siyang hindi masaya. Gusto niya ng mapait, at dumating ang nakabotelyang atsarang ampalaya, ibinebenta ng NGO na nagbibigay ng negosyo para sa mga babaeng biktima ng domestikong karahasan sa Gagalangin, Tundo, pero hindi rin siya naging masaya rito. Naisip niya ang pait ng karanasan ng mga biktima.

Ngayon ay parati na lamang nakadilat si Latifundia lalo na habang naglalakad sa food court ng kanyang paboritong mall. Tinatakam siya ng bawat nakalista sa menu, bawat litrato ng pakain, at bawat ulam na tinatanglawan ng malakas na ilaw. Hindi na siya naglalaway. Tutungo siya sa paborito niyang fastfood. Maririnig ang mga ingles na pabalat-bungang pagbati ay tunay na nakakapagpataba ng kanyang puso. Halos maiiyak siya habang binibigkas ang kanyang tugon, “Budget meal 3, upsize please.” (Bulatlat.com)

——————————

(Ang maikling kolum na ito ay nasa pormang dagli, na ginamit sa mga diyaryo sa panahon ng kolonyalismo ng US sa Pilipinas. Ang moda ng dagli ay maaaring dedikasyon, malasanaysay o malakatha. Maaari itong magkaroon ng lamang pulitikal na siyang magiging palagiang laman ng kolum na ito.)

Share This Post