NI HUGH MACDIARMID
SALIN MULA SA INGLES NI GELACIO GUILLERMO
Inilathala ng Bulatlat
Para kay Muriel Rukeyser
Walang makaaangkin nitong kataasan (ang tugon ng anino)
Kundi silang ang tingin sa mga paghihirap sa mundo
Ay mga paghihirap, at sila’y hindi tutulutang mamahinga.
Keats, Hyperion
Kayong binaligtad ang mundo ay pumarito rin.
Acta XVII, 6.
Patalilis na ang gabi, paparating na ang araw,
tayo nang iwaksi, kung gayon, ang mga gawa
ng kadiliman at isuot ang kalasag ng liwanag.
Romano XIII, l2.
Isang lunsod ng dagat ang Glasgow, pero ano ang silbi
Sa dakilang pantaong Sargassong ito kahit iyang galing,
Iyang kapasyahang unawain ang lahat ng kinalulugaran at direksyong
Esensya ng pagkatao ng isang marino,
Ang bunga ng tuwirang pagkatuto sa gawi ng mga bapor,
Sa gawi ng tao, at sa gawi ng mga babae laluna,
Pagkat ang mga ito ang pinakasintulad ng dagat at lagay ng panahon
At pinakamalalim na batis ng lahat ng akmang karunungan.
Ang ulap na sinlapad lang ng kamay ng tao, ang bagong
Himig sa hangin, ang banggit tungkol sa batel ng asin,
At ang mga marino ay nakababatid ng “ilang bagay”,
Iyang pag-unawa sa kubli pero makapangyarihang mga kahulugang
nakalubog
Sa mga pahiwatig na dumaan dili’y pagkabilis naman para masunggaban,
Na dapat maagaw mula sa mga bangin
Sa pampang at ilalim, iyan ang kanilang kinamihasnan
Pero hindi sapat para sa ganitong lubluban.
Sino bang marino sa kasaysayan ng mundo
Sa ito ring dagat na iyong nilakbay ang unang nakapagsabing
Ang along ito’y lalayo, ito’y susugod, alam ang ngalan
Ng bawat alon, nahulaan ang inaasahang landas nito
At ang pinal na ayos ng umiikid na kabuuan;
Natukoy sa bawat yugto ang makasaysayang agos
Na habang iyong sinasabi’y hayun nga’t nagaganap?
Iwinasto mo ang isang buong daigdig,
Walang madramang kumpas, walang di-malilimutang salita.
Ngayo’y sukatin mo ang Glasgow sa gayon ding
katipid na pagbabalikwas!
Sa mga araw ng rebolusyonaryong krisis tunay
kang sumisigla,
Nagiging paham, nakikini-kinita ang pagkilos ng mga uri
At ang malamang na mga zigzag ng rebolusyong
Parang nasa iyong palad;
Hindi lang kaisipang mapanuri kundi isa ring
Kaisipang mapagbuo at mapagsanib
Kayang itayo sa isip ang bagong realidad
Tulad nang dapat mangyari
Sa bisa ng tiyak na mga batas sa kalaunan,
Habang isinasaalang, oo,
Ang mulat na pakikialam, ang dibdibang pakikibaka
Para sa mga tungkuling hinaharap pa ng Partido at ng uring
pinamumunuan nito
Gayundin ang posibleng mga paglihis at inaasahang mga pagkilos
Ng lahat ng iba pang uri. – Ang gayong pagkapaham ay resulta
Ng malalim at lahatang-panig na kaalaman sa buhay
Hitik sa kulay, hugpungan at ugnayan.
Mula riyan ang lohika ng iyong mga talumpati – “tulad ng
makapangyarihang mga antena
Sa ekonomya, pulitika, ideolohia at iba pa.
Sinasapol minsanan ang lahat ng panig, tulad ng pang-ipit,
At wala kahit isang may natitira pang lakas na makakakalas sa
kanilang yakap;
Pumaloob o piliin ang lubusang pagkabigo.”
Habang sinasapol ng isang dakilang marino o makata
Ang praktikal na kahulugan, ang ideal na ganda, ang kinamihasnang
paghanga,
Ang kahulugang intelektwal at mga pagkakataong madamdamin
Na sa anumang saglit ay naghahalo-halo sa partikular niyang
kalagayan,
Dito’y may sintulad na pagtitipon ng mga kahulugan
At ang lahat ng ating namamasid ay nakalahad sa palaisipang
Pinangyayaring tanga ang sinumang dahop ang pag-iisip.
Paano ba mabilis na maiintindihan ang mga punto,
Ang kahulugan sa likod ng kahulugan, ang makapal na gubat
ng sala-salabat na sanggunian;
Paano makikita ang gubat sa gayong gulo ng mga punungkahoy;
Paano makakasunggab ng anumang kahulugan mula sa mga bunganga
ng hydra?
Minsang maintindihan ang lohika at pagpihit ng sandali,
Mahagip sa isang iglap ang buto-butong datos
At palampasong pag-uulat na “hiling ng publiko,”
Paano sasapulin ang mga “imbing pakana” at
magkapuwang sa kapangyarihan?
Kung hindi’y sira-ulo tayong nabubuhay sa ulo ng mga balita,
Sumasakay lang sa alon ng pang-araw-araw na iskandalo,
Nabubuhay sa aninag tulad ng isang mahilig sa sine,
O kahit anong tyaga’y di mailigtas sa pagkabangag o katangahan.
Hindi sapat ang pagsamba sa mga libro para sapulin ang mga ugat
ng kapangyarihan.
Samahan mo ako, Lenin, muling magsabuhay ka sa akin dito,
Lubos na unawain at lutasin, tulad ng iyong ginawa sa Rusya,
Itong mas hamak na gusot, ikaw na pinakadakilang proletaryong pantas!
Mahirap na pagsubok, aking maestro, sa isa pang kadahilanan.
Walang Impyernong katulad nitong looban ng Glasgow sa buong Rusya.
Wala saanman sa daigdig ng mga Puti
Ang ganitong lugar na nakabaon sa karumal-dumal na kawalan.
Tanging ang isang bansang ang ipinagmamalaki ay ang Simbahan ng
Scotland,
Isang bansang haling na haling sa pagiging episyente’t matipid,
Walang katapusan ang pagkamagiliw para pagtakpan ang totoo,
Ay may handog na obra-maestrang pang-impyerno.
Sa pagkasuklam ay baka magsuka ka pa,
Ang rurok ng kapitalismo at ang pusalian ng Impyerno,
Akmang patunay sa lahi nating napakarelihioso,
Gahaman, sinungaling, at di makatarungang
Walang kaparis. – Sunggaban itong kawing, diwa ni Lenin,
At hataking paitaas sa liwanag
Ang buong imbing kadena ng mga penomenang gumagapos
Sa Europa sa kalagayang lubhang napakaaba para sa angkin niyang lakas!
Naamoy mo na ba ang di malimut-limutang amoy ng looban?
Maaalala mo ba
Ang salaysay ni Proust tungkol sa samyong berdeng magulang at dilaw
ng inidoro,
O ang paliwanag ni Gilies nang umangal si Abelard
Tungkol sa kasuklam-suklam na lutuin ni Guibert, mas mabaho pa
sa tae,
Pero nakita naman mismo ni Abelard kung paano kuskusin ni
Guibert ang kaldero:
“Hindi niya binabanlawan ang basahang ipinangkukuskos niya.
Iyon ang nagbibigay ng lasa, ng amoy; ang pinakamabaho na
sa mundo.”
Pero, hintay! Umunlad na tayo. Hindi kayang ilarawan ng mga salita
ang masangsang
Na baho ng looban. Sa tabi nito, byoleta ang bangkay.
“Sa bawat pintuang aming kinatok, isang lalaking naka-t-shirt ang nagbubukas, bigla at walang langitngit, parang itinutulak ng napakalakas na amoy sa kanyang likuran. Ang amoy na ito ang pinakamalupit na simbolo ng ganitong buhay; nakakasakal, nakakasuka; ang amoy ng nanuyong pawis at di mawaring panggigitata ng katawan. Ang amoy na iyon! Kung minsa’y gumagapang pasalubong sa amin mula sa mga hita ng maybahay, nagpaparamdam, parang nahihiya; kung minsa’y sumusunggab, kaybulok at nakakahimatay. Minsan, sa mumurahing bahay-paupahan ng isang babae, lumundag ito’t parang demonyong hayop na kami’y sinagpang. Ang amoy ng looban, ang di malilimutan, ang kasuklam-suklam, na amoy!” – Bolitho, “Ang Kanser ng Imperyo,” inilalarawan ang mga looban ng Glasgow.
Ah, kamata ng butiki, hangad kong makita
Ang pagsasabuhay mong muli dito at nakikipagtalo
Sa pipitsugin naming mga upisyal ng gubyerno,
Inuusig sila tulad ng masinggang tumatagos sa lukot na pamandewang,
Pero unahin – halimbawa’y sa restorang Cranston –
Ang ilang sikat na baboy-damong panatag na nakaupo
Para makita ko ang mapang-uyam na mga gwapong mukhang
Maglaho sa pagkasindak tulad ng pusang Cheshire ni Alice.
Kaming saksi sa mga dios na isa-isang
Nagsiluwalan sa modernong daigdig, kaming ganap na nakaunawang
Ligtas ang ating kaugnayan sa mundong pisikal
Basta’t tinatalikuran ang iba pa’t nakatuon
Sa mga simpleng datos mula sa normal nating mga sentido’t
Binabale-wala ang sa kanilang kaibutura’y samut-saring pagkakatulad,
Alam namin kung anong kaylawak na kapangyarihang mapagpalaya
ang pinalaya nitong mga dios
Pero ang gawai’y sa iba nila iniwa’t sila’y namuhay sa kaligtasang
nakaduduwag.
Normal, salamat sa ipinagmamatigasan nating taglay na kabulagan
Sa lahat ng makakagulo sa ating kaayusan,
Napakaingat para gumawa ng anuman tungkol dito,
Maiksi nga naman ang buhay, bagama’t itong mga looba’y
Kumukupkop ng laksang uod at pugita,
Pumipintig sa hangin ng kasamaan, may nasa’t kapangyarihang
Mag-alsa sa kasuklam-suklam na kabuhungang hindi masukat ang sukdulan
At puksain magpakailanman ang lahat ng sa atin.
At dito’t doon lang, isang tulad kong sosoning-soning
Ang sinisipat ang sarili, ang kanyang kaakuhan, sa pinakamatalas na
pagsusuri,
Tingnan ang kanyang paikut-ikot na pagtakbo, parang aso, nakatuon ang
bawat himulmol
Para sa ligtas na pagdating saanman, habang
Sa gayon ding pagpapasya, dapat niyang itulak ang sarili,
Higit na dumamdam anuman ang kabayaran, matinding makaranas,
magpakadurog pa,
Nagpapatangay sa hindi masukat na paimbulog at pasulong,
Basta – alam ng lahat ng kulang-kulang – mapagpatiwakal
na paglampas sa hangganan.
Nauuwi sa kung saan-saan at sa kawalan ang ating ulol na pagsisikap;
Kapusukan ng hambog na pag-asa, walang kapagurang mga Micawber,
Tiwala sa kung ano ang sinabi ni Gladstone noong 1890
O ni Kristo ilandaang taong lumipas –
Walang kakulangan sa tagapayo, sa pagiging tuso ng Rason.
Pinapatag ang daan patungong Impyerno ng sangkatutak na dakdakan
Pero walang nangyayari – wala kailanman;
Maliwanag lagi ang bukas, madilim ang ngayon.
Matalas – gayunma’y hindi man lang natin malutas itong problema;
Sibilisado – at ating ipinagyayabang itong napakapangit na sugat;
Kristyano – garapal naman ang paglabag sa lahat ng turo ni Kristo;
Tayong ipinagmamalaki ang ating bansang may imburnal
na nakatiwangwang sa ating pintuan,
Tayo na, ating iwaksi itong garapal na pambobola,
Aminin ang ating pagkainutil, tayong itinatanging kastrato ng Europa,
Nagpapataba sa ating kahihiyan, at sa tinig na singhina ng sa paniki
Ibinabando sa maka-demonyong mga simbahan ang ating
walang kamatayang pag-asang kasuklam-suklam.
At ano nga ba itong imposibleng problema?
Mabigyan lang ang ilang libong tao ng sapat na makakain,
Disenteng pamamahay at makatwirang sweldo kada linggo.
Ano? Para sa wala? Oo! Iya’y kayang-kaya ng Scotland.
Hindi pwedeng gawin. Lalaging kasama natin ang mahihirap,
Sabi sa Biblya. Sinasang-ayunan ba ito ng ibang bansa?
Maliwanag na tayo’y hindi sang-ayon kung gayundin ang tindig nila.
Napaglipasan nang mga argumento laban sa pagwawakas ng Pang-aalipin!
Ah, hindi! Hindi itong mga pag-asang burgis ang ating layon.
Lenin, ikaw na mangingibig ng musika’y ayaw mangahas makinig,
Turuan rin kaming iwaksi ang lahat ng nakahahalinang tinig
At kamtin ang karampatang makalupa. Di mabilang na maliliit na layaw
–Tunay, magagarbong pangalan ang iginagawad natin sa kanila, tulad ng
Kultura—
Sa nakabibighaning tabi-tabi dito’t doon ang nanunukso,
Gayong tayo’y dapat nasa umaalingasaw na pusalian at iskinita,
Pinipigil ang libog ng ating walang kamatayang kaluluwa
Sa halip ay tumutupad ng tapat na paglilingkod sa sangkatauhan.
Ang makapangyarihang mga pwersang may pinakamasamang layon
Ang umaani ng mayamang tagumpay dito sa Glasgow,
Sa mga buhay na binansot at itinakwil at pagdurusang walang katapusan,
Maiiwasang mga sakit at “krimen” at kamatayan; at nakatindig lang
Sa gilid nitong matataong lansangan, nakatago ang mga baril,
Handa sa anumang buhay na pagkilos para lipulin
Ang mga taong itong walang kamalay-malay, nag-aabang
ang mga gangster, ang malulupit na upisyal,
Sinusubaybayan ang bawat kilos ng Glasgow at nanggigigil
na ito’y lusubin.
At nagkukubli rin ang mga pwersang laban sa kalayaan,
Pero naglipana ang mga lihim na ahente ng Pasismo
Sa kastilyo ng mga duwag, tindahan, bangko, mansyon at paaralan
Samantalang kakaunti ang nagsisilbi doon para sa Kalayaan,
At hindi makapagsilbi – dahil bingi ang lahat
Sa kanyang mga salita, barado ang tenga sa tutuli
Ng di pinag-isipang palagay at sinusustentuhang kabobohan
Hanggang wala nang mapaglagusan ang Kalayaan tungo sa kanilang isipan.
At higit pang mapanlalang at nakapanlulumo
Itinanim ng mga pwersang laban sa sangkatauhan ang kaisipang
Nalampasan na ng karunungan ang utak ng mga indibidwal
Hanggang walang kwentang mga detalye na lang ang kayang abutin
Ng isip ng ninuman; kaya nga
Itinutok ang napakalawak na tagumpay ng sangkatauhan laban
sa utak ng tao
Hanggang sa pangkalahatang panghihina’y mapilitang
Ikulong ng nakararami ang sarili sa pang-araw-araw na kaabalahan.
Ito ang rurok ng kasinungalingan, ang pagtataksil sa sangkatauhan.
Sinasayang ng lahat ang kalahati ng kanilang buhay.
Inuunsyami ang makataong simbuyo – ang kapasyahang gamitin ito
Hanggang isa o dalawang tao na lang sa bawat isang milyon
Ang nakababatid na ang kaisipan ang realidad – ang kaisipan at wala ng
iba!
At handang laguming lahat ang materyal – mithi nila
Ang pagsapol ng diwa ng lahat ng katotohanang kayang alamin.
Sa halip niyan may isa tayong Jeans na inilulugar ang mga bituin
Sa nakaugaliang mga pamahiin, at isang Barnes na pinagtatagni
Ang samot-saring geometry – Euclidean, Lobatchewskyan,
Riemannian—
At mga Cepheid variable, puting unano, pero kay tigas ng ulong
(Kahit tanggap niyang bigo ang walang saysay niyang paglalayag
Sa paglutas sa problema ng kaugnayan ng “Dios” sa Panahon)
Bumabalik sa pinagsimulan – walang ikinaiba sa pagkakanulo
Ng diwang syentipiko sa isang talunang Maykapal.
At sa Scotland kahit na ang isang Holdane, na nagbigay ng mahalagang
paglilingkod sa teorya sa biology
Sa patuloy na pagpapahalaga sa ispesyal na porma ng organisasyon
Sa mga bagay na buhay – pero kaylaki ng kanyang pagkabigo
Dahil sa palasukong naising tanggapin
Itong prinsipyo ng organisasyon na wala nang pagpapatunay
Sa halip na bakasin ang kaugnayan nito sa mas mababang prinsipyo
ng organisasyon
Sa mga paracrystal, colloid at iba pa.
Bihasang binabagtas ang napakahirap na daang paurong-sulong
Mula sa pagka-“ispontanyo” tungo sa kaabalahan sa disenyo,
Mula sa realistikong “sandali” tungo sa abstraksyon
ng esensyal na porma,
At matatapos sa pagsasanib ng lahat ng kanilang mga sangkap,
Karaka-raka’y realistiko at abstrakto,
“Gumagapang sa paligid ang mapangahas at walang pangingiming ateismo at pinupuspos ang mga manggagawa, na siyang dapat mapuspos nito. Wala akong ibang inaasahan. May ilang nagsabi sa akin, ‘Magsulat tayo sa istilo nina Hume at Gibbon at akitin ang mga mambabasa mula sa hanay ng mas matataas na uring panlipunan.’ Ang sagot ko’y ‘Hindi’; Wala akong alam tungkol sa tinatawag na matataas na uring panlipunan maliban sa sila’y magnanakaw; Ako’y kikilos para pangibabawan sila ng mga manggagawa.” RICHARD CARLILE
O tulad ni Michael Roberts, ang kanyang Bagong Bayan
Ay walang ipinag-iba sa lumang bayan, at sapat na medyebal
ang kanyang “modernong utak”
Sa pag-aming sa kabila ng lahat hindi niya maarok
Paano maililigtas ang sibilisasyon kung hindi nakapailalim
Sa otoridad ng Simbahang sa Kanlura’y
Walang iba kundi ang sinasabing Simbahang Kristyano.
Ibasura iyan. Kunin natin ang ating paninindigan
Hindi sa makaimpyernong pugad na ito ng inuubang loro
Kundi diretso kay Richard Carlile: “Ang kaaway na dapat
nating bakahin
Ay yaong hindi sumasang-ayon sa kapayapaan. Hindi nakikipagtalo
ang idolatria,
Hindi nakikipagtawaran o nakikipagkasundo ang superstisyon.
Kailangang lubos silang puksain
Para sa kaligtasan ng publiko’t ng indibidwal.
Sina Michael Roberts at Lahat ng mga Anghel! Auden, Spender, silang
mga siga kuno,
Mga dilawang dalawang ulit nang natalo: wala isa man sa kanilang
May katiting na tapang at integridad ni Carlile.
Hindi tulad nilang mga peke, ako’y kabilang – hindi para – sa uring
manggagawa,
At tulad ni Carlile wala akong alam tungkol sa tinatawag na matataas
na uri
Liban sa sila’y mandaraya’t mamamatay-tao,
Nagpapatabang parang mga bampira sa masa.
Ang kamangmangan ng mga edukado! Pero ang mga kuyog sa Glasgow
Ay hindi man lang edukado liban sa isa o dalawa;
Nagkukumunoy ang balana sa mga salitang walang katuturan,
Mapagkunwari’t hungkag na lenggwahe lang, mga pasiklab.
Ang lenggwahe ng mapagbuong kaisipan
Ay hindi maintindihan liban ng iilan
At ang lahat na’y naglulublob sa sumabog nang mga maling akala
At itinatangi para sa mga kaluluwang imortal ang garapal nilang katangahan
Samantalang sa mas malalalim na suson ng kamangmangan nila’y
makikita ng sinumang hahalukay
Ang ganitong paghahanay – Scotland, ibang tao, sila mismo.
Hindi kami naglalaro o nagpapasunod ng mga alituntunin sa kung anong
klaseng laro lamang.
Ang makataong kabuuan ang aming pakay – ang tila musmos na diwang
Bagong-silang araw-araw – tunay na hindi pabaya sa tradisyon
O sa mga turo ng nakaraan: ang mga ito’y dapat niyang manahin.
Pero may kakayahang lubusang umunawa at pumaloob,
Masaklaw, hindi nababakuran, hindi makategorya, sensitibo at
mapagmahal,
Ang buhay na iya’y walang sagka, tuwid – Ah, Lenin,
Buhay at mas mayabong pang buhay, ikaw na Apoy ng Kalayaan,
Tila apoy sa iyong kawagasan at alab sa paghahanap ng langit,
Gayunma’y hindi dapat ibadya ng pang-uri ang pagka-bulalakaw lang,
Kagila-gilalas – hindi ang mga alipatong nagliliparan kundi ang matinding
Liwanag ng ubod ng iyong pagkatao, ang malawak at napakagaling na
katatagang
Nagbuo sa iyo – ang pumipintig na puso ng sangkatauhan!
Diwa ni Lenin, lumapag ka sa lunsod na ito ngayon!
Pagliwanagin itong lunsod ngayon!
1957
Salin ni Gelacio Guillermo ng “Third Hymn to Lenin,”
nasa Hugh MacDiarmid, Selected Poems, Edited with an Introduction by David Craig and John Manson (Penguin Books, 1970), pp102-111
Salin ni Ramon Guillermo ng mga terminong Aleman
sa orihinal na teksto:
pagiging tuso ng Rason – die List der Vernunft
pagkamakalupa – Diesseitigkeit
Inilathala ng(Bulatlat.com)
Si Hugh MacDiarmid (Christopher Murray Grieve) ay isinilang sa Langholm, Scotland noong 1892. Portero ang kanyang ama. Siya’y nagtrabaho bilang peryodista sa Scotland at Wales. Nagsilbi sa Royal Army Medical Corps sa pagsisimula ng Unang Digmaang Pandaigdig. Naglimbag ng mga antolohia ng mga tula (Northern Numbers) at magasing pampanitikan (Scottish Chapbook). Ang mga unang aklat niya ng mga tula ay ang Sangshaw(1925) at A Drunk Man Looks at the Thistle (1926).
Masigasig na tagabandila ng Sosyalismo at isa sa tagapagtatag ng National Party of Scotland noong 1928. Bumaling siya sa Komunismo at noong 1934 ay sumanib sa Communist Party ng Great Britain.
Namatay na dukha noong 1978 sa edad na 86.
=====
Nicolai Lenin (Vladinir Ilyich Ulyanov), 1870-1924. Rebolusyonaryong Ruso, lider ng mga Bolshevik sa panahon at pagkatapos ng Rebolusyong Ruso, at tagapagtatag ng modernong Komunismo. Ilang pagbabago ang kanyang isinagawa sa doktrinang Marxista; sa kanyang palagay, hindi lisya sa diwa ng Marxismo ang mga pagbabagong ito, sa katunaya’y sinasalamin ang praktika nito sa kalagayan ng ika-20 siglo. Kung naiiba ang teorya ni Lenin sa “materyalismong dialektikal” ni Engels, ito’y sa sumusunod na mga punto: (I) Ang pagdidiin sa rebolusyonaryong moralidad. ‘Ang ating moralidad ay lubusang naglilingkod sa interes ng uring proletaryo.’ (ii) Ang teorya ng abanteng destakamento, i.e., partido komunista. (iii) Ang doktirina ng demokratikong sentralismo. (iv) Ang pagbaka sa rebisyonismo at muling pagpapatibay ng doktrina ng makauring pakikibaka. (v) Ang teorya ng imperyalismo bilang pinakahuling yugto ng kapitalismo. (vi) Ang teorya ng pagpawi ng estado. (vii) Ang mga teorya ng rebolusyong pangkultura at ng dobleng kadahilanan at resulta [double causality] ng rebolusyon [obhetibong kalagayan at suhetibong kalagayan]. (Roger Scruton, A Dictionary of Political Though, Great Britain: Pan Books, 1982. pp.266-7.