NI NOEL SÁLES BARCELONA
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VII, No. 22, July 8-14, 2007
1.
Isumpit mo, makata
Ang iyong tula sa hangin –
Parang palaso,
Sa lupang may bahid ng dugo
Iyong patamain.
Huwag pabayaang salakabin
ng mga palalo
Ang iyong talino.
Kapag itinanikala –
Patuluan ng luha at dugo
Hayaang kalawangin hanggang mapugto.
2.
Gisingin sa mga sigaw ng iyong berso
ang tulog na mga puso.
Hayaang pag-alabin ang apoy ng salita
Ang naidlip na espiritu ng tao.
Kapag ang binhing mapanghimagsik
Ng iyong pluma at pulso
Ay naitanim nang malalim sa utak at puso ng tao –
Daig ang daluyong ng alon
Ang paglaban ng tao.
3.
Hayo ka,
ikaw na niyapos ng ganda at talisik ng berso:
Papag-alabin mo ang apoy
sa puso at espiritu ng tao.
Huwag katakutan ang pilantik
Ng kamao at bisig ng panginoon:
Sapagkat wala silang lakas
Kapag ang sanglaksang alipin ang nagbangon!
Inilathala ng(Bulatlat.com)