‘Sa Madaling Panahon’*

NI GELACIO GUILLERMO
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VII, No. 30, September 2-8, 2007

Tserman Mao, may pariralang binigyan mo ng kahulugang
Sa tingin naming mga ordinaryong taong
Walang lenteng pansipat o kaya’y masyadong mababa
Ang tinutuntungan ay magkasalungat.
Ito ang pang-abay na “sa madaling panahon.”
Mula sa kinatatayuan mo, siniguro mo,
Halimbawa, ang tagumpay ng rebolusyong Tsino
“Sa madaling panahon,” na ang binibilang
Ay ilang araw, ilang linggo o ilang buwan lang
Makaraan ang dalawampu’t walong taon
Ng pakikibaka, at gayon nga ang naganap.
Tulad sa Byetnam, ilang linggo bago bumagsak ang Saigon,
Inianunsyo na ni Ho Chi Minh ang tagumpay,
Anya’y “Paparating na ang masasayang araw!”
Ganyan naman ang inaasahang pahatid ng parirala,
Na ang katuparan ng inaasam ay ilang tulog na lang
O abot-tanaw na, at ito’y hindi cineng banig.
Pero, Tserman Mao, ang “sa madaling panahon”
Ay pwede ring mangahulugan, sabi mo,
Ng isang daang taon, o dalawa, o
Tatlong dantaon kaya. Sa madaling sabi’y binigo mo
Ang naabot na naming distinksyon sa pagitan
Ng “ikli” at “haba,” ng “lapit” at “layo,” ng “kitid” at “lawak,”
Ng “bilis” at “kupad,” ng “kagyat” at “tagal,”
Ang aming sukatan ng panahon at espasyong namamagitan
Sa pananabik at kaganapan, sa puno at dulo.
Binabalikan ko ang parirala, o ang pagpapakahulugan mo
Sa parirala, sa kaso ng rebolusyon sa aming bayan.
Mag-aapatnapung taon na ang matagalang digmang bayan dito.
Gaano katagal ang matagal na pakikibaka?
Totoong marami itong salik: ang timbangan ng lakas
Ng rebolusyon at kontra-rebolusyon;
Ang paghupa at pagsulong ng rebolusyonaryong agos;
Ang mga taktikang nagsisilbi sa istratehia;
Ang mga kamalian at mga pagwawasto;
Ang brektro at pagkabigo;
Ang pagkilos ng mga pwersa at mamamayan;
Ang papel (sapagkat ikaw rin nama’y
Makata’t tagahanga ni Lu Hsun)
Ng epiji, pinta’t litrato, dula’t kwento, awit at tula,
Ng balita at kahit ng tsismis, at ngayong
Panahon ng IT, ng website, blog at digital video
(Hindi na naabutan ng mga aktibista ang pasabilis at kayod mimyo);
Ang kalagayang umiiral sa loob at labas ng bansa;
Ang pamumuno ng abanteng destakamento;
At iba pa, mga luma’t bagong salik na nagsasalimbayan
Sa iba’t ibang larangan, iba’t iba ang porma’t nilalaman, at peligro,
Hanggang may mawalan ng panimbang,
Masiraan ng loob, o kumabilang-bakod.
Madali bang magpabagsak ng isang buong sistemang panlipunan
At magbuo ng bago? Ang apurado ay natitisod,
Ang patay-sindi ay nagpapatihuli. Sunggaban ang sandali,
Sunggaban ang araw, sabi mo.
Matuto sa mga ideolohista—ikaw iyon, si Lenin, si Joma—
Silang mata ng unos,
Sentro ng bagsik, tulin at direksyon ng hampas ng alon,
Ng bagyong pantay-kabayo, ng ikid at daluyong,
Silang kapag nagsabi ng “Sa madaling panahon!”
Mangyayari’t mangyayari sa loob
Ng isang buwan o isang dantaon
Sa takbo ng mga pangyayari.
Ibang mag-isip ang agila sa mga kutong-lupa.
Sa sonang gerilya, ang “D’yan lang” ng giyang magbubukid
Ay narito sa kabilang bundok.

Inilathala ng Bulatlat

*Unang binigkas ng makata noong 24 Agosto 2007 sa Salungat, eksibit ng digital print ni Neil Doloricon sa Gallery 1, U.P. Faculty Center.

Share This Post