Pag-alala sa Batas Militar

Sa mga panahong ito, mahalagang balikan ang konteksto ng ating pampulitikang pagkamulat para suriin kung may pag-unlad ba sa ating perspektiba at disposisyon sa buhay. Wala namang masama kung hanggang ngayon ay wala ka pa ring pakialam… kung ikaw ay isa pang musmos.

Ni Danilo Araña Arao
Konteksto/Pinoy Weekly
Inilathala ng Bulatlat

Eksaktong ika-apat na kaarawan ko nang mapailalim ang Pilipinas sa batas militar noong Setyembre 21, 1972.

Hindi ko alam kung matatawa ka sa ikukuwento ko, pero akala ko noo’y tao si “Martial Law.” Kasalanan ito ng matatandang pinakikinggan ko ang kuwento noon tungkol sa isang taong maraming baril na kailangang pagtaguan dahil baka patayin ka nang walang dahilan.

Madalas akong magpalipas ng oras noon sa isang tindahang malapit sa aming bahay sa Caloocan City para kumain ng paborito kong chicharon o magbasa ng mga komiks na pinapaarkila. Naalala kong sumigaw minsan ang matandang katabi ko, “Umuwi ka na, ayan na si Martial Law!” Mabilis akong tumakbo noon at sa aking pagmamadali’y nalaglag ang chicharong kinakain ko.

Madali akong maniwala noon kahit sa mga kuwento-kuwento lang. Trinato kong multo si “Martial Law” na dapat kong takbuhan oras na makita ko. Kahit ang mga pulis na nakikita ko sa mga kalye, iniiwasan ko noon dahil sa mga baril na hawak nila. Madalas kasi naming pag-usapang mga kalaro ang tsismis tungkol sa mga taong mahahaba ang buhok at nakikipagbatuhan sa mga pulis. Nagbibiruan pa nga kaming ang mga nawawala pagkagat ng dilim ay dalawa lang ang kahahantungan: ang pagbubunot ng damo o ang paglutang ng bangkay sa estero kinaumagahan. At dahil ang aming mga biruan ay may halong takutan, maaga kaming umuuwi noon sa bahay para maiwasan ang parusa mula kay “Martial Law.”

At dahil ang mga balita noon sa diyaryo, radyo at telebisyon ay pawang nagpapakita ng kaunlaran ng bayan, minsa’y hindi ko na malaman kung kanino ako maniniwala. Pero hindi ko naman masyadong binigyan ng atensiyon ang kontradiksiyong ito dahil mas abala ako noon sa pag-aaral, pagbibisikleta at panonood ng mga paborito kong cartoon sa telebisyon. Mahilig din ako noon sa mga video game machine na hinuhulugan ng piso para makapaglaro. Siyempre pa, hindi dapat kalimutan ang chicharon at komiks!

Tuwing flag ceremony sa aming eskuwelahan, sabay-sabay naming binibigkas ang “Panatang Makabayan” at kinakanta ang “Bagong Lipunan.” Dahil hindi ako kritikal sa aking mga sinasambit, mas napaniwala ako noon sa kagandahan ng tinatawag na bagong lipunan. Sa pag-akyat ko sa Grade IV, nalaman kong hindi naman pala isang tao kundi isang pangyayari ang “Martial Law” na hindi dapat katakutan kundi pasalamatan, ayon sa ilang titser ko.

Naalala kong pilit akong inihahalintulad kay Pangulong Ferdinand Marcos ng ilang kaklase’t titser ko sa mga pagkakataong nakapagdala ako ng karangalan sa aming eskuwelahan. Matalino raw kasi si Marcos at kung pagbubutihin ko ang pag-aaral ko, baka raw matulad ako sa kanya.

Grade V ako nang mawala ang batas militar noong Enero 17, 1981 pero tulad ng inaasahan, wala akong pakialam sa pangyayaring ito. Sa katunayan, mas natatandaan ko pa ang pagbisita ni Pope John Paul II noong panahong iyon. Dahil nag-aaral ako noon sa isang Katolikong eskuwelahan, kasama akong nakisaya noon sa pagdating ng Santo Papa at taimtim na nagdasal para gumanda ang kalagayan ng Pilipinas.

Nasa ikalawang taon na ako sa hayskul nang nagulantang kami sa bahay ng balitang binaril si dating Senador Benigno Aquino noong Agosto 21, 1983. Ang mga pagdududang nararamdaman ko kahit noong nasa elementarya pa ako ay lalong lumaki, at ang pangyayaring ito ang nagtulak sa akin para hanapin ang katotohanan.

Nakatulong nang malaki ang ilang titser kong pinabasa sa amin ang mga tinaguriang mosquito press tulad ng Veritas at Mr. & Ms. Mula sa mga ito ay nalaman kong ang midya pala ay may iba’t ibang tradisyon sa Pilipinas, at ang katotohanan ay hindi puwedeng makuha kung makikinig sa isang panig lang. Hindi ko na siguro kailangang banggitin kung ano ang ginawa ko nang magdeklara si Marcos ng snap election noong 1985 at nang pumutok ang tinaguriang EDSA Revolution noong 1986.

Sa mga panahong ito, mahalagang balikan ang konteksto ng ating pampulitikang pagkamulat para suriin kung may pag-unlad ba sa ating perspektiba at disposisyon sa buhay. Wala namang masama kung hanggang ngayon ay wala ka pa ring pakialam… kung ikaw ay isa pang musmos. Pinoy Weekly/inilathala ng Bulatlat

Si Propesor Danilo Arao ay nagtuturo sa Department of Journalism sa UP College of Mass Communication.  Siya rin ay kasapi ng Lupon ng mga Patnugot ng Bulatlat. Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Share This Post